Hamon ni Ace Barbers kay Royina Garma: Basa na paa mo, maligo ka na
HINAMON ni House quad-committee chairperson Ace Barbers si retired police colonel Royina Garma na ilantad na ang lahat ng nalalaman hinggil sa kampanya ng administrasyon ni dating Pangulong Rodrigo Duterte laban sa droga.
“Basa na ‘yang paa mo, maligo ka na,” ang mariing pahayag ni Surigao del Norte Rep. Barbers kay Garma.
Ito’y matapos ngang aminin ni Garma sa naganap na pagdinig ng quad committee nitong nagdaang Biyernes, October 11, na kinontak siya ni Duterte noong May, 2016, para bumuo ng national task force na magsasawa ng all-out war kontra ilegal na droga.
Baka Bet Mo: Robin Padilla nagpa-drug test sa PDEA: Inumpisahan ko na po, tapusin n’yo na
“During our meeting, he requested that I locate a PNP officer or operative who is a member of the Iglesia Ni Cristo, indicating that he needed someone capable of implementing the war on drugs on a national level, replicating the Davao model,” ang litanya ni Garma sa naganap na hearing.
Kasunod nito, nagbitiw din ng pangako si quad-committee co-chairperson Benny Abante Jr. na hindi sila titigil hanggang sa makuha ang lahat ng kinakailangang impormasyon sa kaso ng extrajudicial killings (EJK) on drug war sa bansa.
“This is just the beginning of a deeper inquiry into a more alarming issue, the alleged participation of higher officials in EJKs.
“There is much more to uncover, and we are committed to getting to the bottom of these serious allegations,” pahayag pa ni Abante.
Tungkol naman sa pagiging state witness ni Garma, sabi ni House dangerous drugs panel chairperson Ace Barbers, “Siguro titimbangin muna ng DOJ ‘yung kanyang ini-reveal niyang information kung qualified ba siya to be state witness or to be a beneficiary of the witness protection program ng ating gobyerno.”
“(DOJ is) doing their own investigation, yung kanyang interview sa mga witnesses na nagbigay ng testimonya before the Quad Committee. Ganun din siguro ang mangyayari kay Garma effective siguro by this week. Meron din siyang interview for preliminary investigation siguro,” saad pa ni Barbers.
Ang naganap na preliminary investigation ay tungkol sa koneksyon umano ni Garma sa pagpatay kay former Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) board secretary Wesley Barayuga. Si Garma ang in-appoint na PCSO general manager matapos mag-retire sa PNP.
Kamakailan naman ay ibinunyag ni human rights lawyer Chel Diokno na base sa 2017 year-end accomplishment report ng Office of the President (OP) sa ilalim ng administrasyon ni Duterte, umabot sa 20,322 drug suspect ang napatay umano war on drugs mula noong July, 2016 hanggang November, 2017.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.