Ano nga ba ang tungkulin ng isang VP?
Ibang Pananaw - March 05, 2021 - 08:22 AM
Noong nakaraang Lunes sa kanyang weekly late-night public address, binatikos ni Pangulong Rodrigo Duterte si Vice President Leni Robredo matapos sabihin ng vice president (VP) na dapat dumaan muna sa tamang proseso ang dumating na Sinovac vaccines para matiyak ang kaligtasan ng mga health workers. Ang ganitong eksena ng Pangulo laban kay VP Leni, pati na sa mga miyembro ng opposition at sa mga sinumang taong kumokontra sa kanya ay hindi na bago.
Ano ba talaga ang tungkulin ng isang VP sa ating gobyerno?
Walang itinakda ang ating Constitution na trabaho o gawain ang VP kung hindi maging tagahalili (successor) ng pangulo kung sakaling maganap ang apat (4) na kaganapan. ito ay kapag nagbitiw sa tungkulin, namatay, natanggal o nawalan ng kakayanan (incapacitated) ang Pangulo. Ang layunin ng ganitong sistema na ipinaiiral ng ating Constitution ay upang matiyak na may agarang pangulong papalit kung sakaling mangyari ang apat na kaganapan. Tinitiyak din ng sistemang ito ang isang mabilis, maayos, mapayapa at demokratikong pagpalit ng pamahalaan. Mapayapang humalili at pumalit bilang Pangulo sina VP Sergio Osmena, Sr., Elpidio Quirino at Carlos Garcia ng namatay sila Pangulong Manuel Quezon, Manuel Roxas at Ramon Magsaysay. Humalili at naging pangulo naman si VP Gloria Macapagal Arroyo ng nagbitiw sa tungkulin si Pangulong Erap Estrada. Kaya wala naman duda at debate na si VP Leni ang papalit at hahalili bilang Pangulo kung sakaling may mangyari kay Pangulong Duterte o maganap ang alin sa isa sa apat na kaganapan. Ito ang tinakda ng Constitution. Ito ang masusunod at hindi ang kagustuhan ni Pangulong Duterte o nino man.
Sa ilalim ng ating 1987 Constitution, ang VP, hindi gaya ng pangulo, ay pwedeng muling tumakbo (for re-election) bilang VP bagamat wala pang nagtangkang gawin ito. Lahat ng naging VP, maliban kay Tito Guingona at Noli de Castro, ay tumakbo bilang pangulo ngunit tanging si Erap Estrada lamang ang pinalad noong 1998.
Sa ilalim naman ng ating 1935 Constitution, si VP Fernando Lopez lang ang tumakbo muli (for re-election) bilang VP noong 1969. Siya rin ang tanging Pilipino na nahalal ng tatlong beses bilang VP. Siya ay nagsilbi bilang VP noong 1949-53, 1965-69 at 1969-72. Si Diosdado Macapagal naman ang nag iisang VP na tumakbo sa pagkapangulo. Nagsilbil siya bilang VP noong 1957-61 at tumakbo at nanalo sa pagkapangulo noong 1961.
Wala naman VP o humalili bilang VP ng naging pangulo si Sergio Osmena Sr. noong 1945 matapos mamatay si Pangulong Manuel Quezon sa Amerika. Ganoon din ang nangyari ng naging pangulo sila Elpidio Quirino ng mamatay si Pangulong Manuel Roxas noong 1948 at si Carlos Garcia ng mamatay si Pangulong Ramon Magsaysay noong 1957. Walang provision sa 1935 Constitution na gaya ngayon na makikita sa Section 9, Article 8 ng 1987 Constitution kung saan binigyan ng kapangyarihan ang Pangulo na maghalal (nominate) ng VP mula sa mga miyembro ng Kongreso kung sakali na ang position ng VP ay mabakante. Ganito ang nangyari ng mabakante ang position ng VP ng maging pangulo si Gloria Macapagal Arroyo matapos magbitiw bilang pangulo si Erap Estrada. Hinirang ni Pangulong Arroyo si Senator Tito Guingona bilang VP at ito ay sinang-ayunan naman ng Kongreso.
Ang Section 9, Article 8 (1987 Constitution) ay hango at kinopya sa US Constitution (Section 2, 25th Amendment na naging epektibo noong 1967). Ang pagkakaiba lamang ay kung sino ang pupwedeng ihalal (nominate) na VP. Sa ating Constitution, tanging miyembro lamang ng Kongreso ang pwedeng ihalal ng Pangulo bilang VP. Sa Amerika, kahit hindi miyembro ng kanilang Kongreso ay pwedeng ihalal bilang VP.
Matatandaan na ito ang Constitutional basis na ginamit ng napilitang magbitiw si US VP Spiro Agnew noong 1973 at hinirang ni US President Richard Nixon si Republican House Minority Leader Gerald Ford bilang US VP. Nang nagbitiw naman si Nixon noong 1974 at naging pangulo si VP Gerald Ford, hinirang naman nito si dating New York governor Nelson Rockefeller bilang US VP na nagsilbi hanggang 1977. Ito ang kauna-unahan sa kasaysayan ng Amerika na kung saan ang Pangulo at ang kanilang VP ay hindi direktang naihalal (voted) ng sambayanan.
Wala namang nagsilbing VP mula 1972 hanggang March 1986. Sa ilalim ng 1973 Constitution, ang kapangyarihan ng Pangulo ay mapupunta sa Executive Committee na pinamumunuan ng Prime Minister kung sakaling mamatay, magbitiw, matanggal at mawalan ng kakayanan ang Pangulo. Ang 1973 Constitution ay nabago (amended) at binalik ang position ng VP ngunit walang nahalal at naupo na VP sa ilalim ng 1973 Constitution dahil inabot na ito ng EDSA Revolution.
Maaari naman bigyan ng ibang papel o trabaho ang VP kung gugustuhin ito ng Pangulo at kung tatanggapin naman ng VP. Nagsilbi bilang Secretary of Public Instruction, Health and Public Welfare si Segio Osmena Sr. habang ito ay VP. Sina VP Elpidio Quirino, Carlos Garcia, Emmanuel Pelaez, Salvador Laurel at Tito Guingona ay nanungkulan naman bilang Foreign Affairs secretaries habang sila ay VP. Ang three-term VP na si Fernando Lopez ay naging secretary ng Department of Agriculture and Natural Resources. Ganoon din sila Noli de Castro, Jojo Binay at VP Leni na nanungkulan naman bilang housing secretaries. Si Gloria Macapagal Arroyo bilang DSWD secretary.
Ang paghirang kay Erap Estrada bilang Chairman ng Presidential Anti-Crime Commission (PACC) habang siya ay VP ay kaduda-duda. Marami ang naniniwala, at ito rin ang ating pananaw, na ang Chairman ng PACC ay hindi isang cabinet position. Tandaan na pinapayagan lamang ng constitution na humawak ang VP ng ibang trabaho kung ito ay isang cabinet position. At kung ito ay hihirangin bilang cabinet secretary hindi na kailangan ang pagsang-ayon ng Commission on Appointment.
Si Diosdado Macapagal naman ang unang VP na nahalal (elected) na kung saan ang pangulo (Carlos Garcia) ay miyembro ng ibang partido. Si Macapagal ay isang Liberal Party at si Pangulong Carlos Garcia ay Nacionalista Party. Tinalo ni Macapagal ang pambato ng Nacionalista Party sa pagka-vice president na si Speaker Jose Laurel Jr. Si Macapagal lang din, sa lahat na naging VP, ang hindi humawak ng ibang katungkulan o nahirang bilang cabinet secretary. Ito ay dahil marahil ang Pangulong Garcia at si VP Diosdado Macapagal ay nabibilang sa magkaiba at magkatunggaling partido.
Sa aking pananaw, ang katungkulan ng isang VP ay hindi lamang maging “spare tire” na hahalili bilang pangulo. Higit pa dito ang mandato na binigay ng sambayan ng ito ay inihalal bilang VP. Katungkulan at moral obligations ng VP na tiyakin ang kapakanan ng sambayan. Na ang batas ay patas at tamang nagagamit at pinaiiral. Na ang constitutional at statutory obligations ng gobyerno ay nagagampanan. Na ang karapatan ng bawat isa ayon sa constitution at batas ay nagagalang at naipapatupad. Katulad ng mga pangkaraniwang tao, katungkulan din ng VP na magsalita laban sa mga maling gawain ng gobyerno o mga opisyal nito.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.