Dingdong aprub sa pag-alis ni Marian sa First Yaya: Hanga ako sa naging desisyon niya
SUPORTADO ng Kapuso Primetime King na si Dingdong Dantes ang desisyon ni Marian Rivera na huwag nang ituloy ang pagbibida sa seryeng “First Yaya.”
Hindi kasi keri ng kanyang asawa ang tatlong linggo hanggang isang buwan na lock-in taping na ipinatutupad ng production bilang pagsunod sa guidelines ng Inter-Agency Task Force bilang pag-iingat sa COVID-19.
Ayon kay Dingdong, naiintindihan kung bakit nag-back out si Marian sa comeback series sana niya kung saan makakatambal niya si Gabby Concepcion. Si Sanya Lopez ang ipinalit sa kanya sa serye.
Hindi kaya ni Marian na mawalay nang matagal sa dalawa nilang anak nila ni Dingdong dahil masyado pang bata ang mga ito para iwan niya nang matagal.
“Alam ko ‘yung pinanggagalingan niya, alam ko ‘yung sakripisyo niya for not saying yes to it because alam ko kung gaano siya ka-excited sa project na ito.
“Bihira lang siyang gumawa ng TV show sa isang taon pero ramdam ko kapag, ito na, gigil na gigil na siya and all out siya.
“Apparently, she had to make a very, very difficult decision and hanga ako sa kanya dahil pinili niya ‘to at kung anuman ang pipiliin niya, nandoon ako to support her one hundred percent,” paliwanag ni Dingdong sa nakaraang virtual mediacon para sa pagbabalik ng “Descendants of the Sun (The Philippine Adaptation)” sa GMA Telebabad.
Dagdag pa ng award-winning actor, “By supporting, ‘di lang siguro ako dapat tumanggap din ng (maraming proyekto) dahil, siyempre, kung nandito siya sa bahay, kailangan samahan ko.
“It’s either that or may times na siguro magdo-double time ako. Siyempre kailangan ko ring kumayod para sa pamilya. Either way, I’m okay to do it.
“Again, suportado ko siya mga desisyon niya kung anuman ang magpapadali ng buhay niya dahil, siyempre, ngayon pinapalaki niya ‘yung dalawang anak namin so ako na ang bahala sa iba,” magandang paliwanag pa ni Dong.
Samantala, sa darating na Lunes na magbabalik sa GMA Telebabad ang “Descendants of the Sun” nina Dingdong at Jennylyn Mercado, kasama sina Rocco Nacino at Jasmine Curtis.
Magkakaroon muna ito ng two-week recap simula Oct. 26 at susunod na nga ang mga fresh episodes at simula naman sa Nov. 13 mapapanood na rin ang award-winning version Pinoy version ng “DOTS” sa Netflix.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.