Pasaway na Pinay vlogger na si Mika Salamanca, arestado sa Hawaii
Arestado sa Hawaii ang Pinay vlogger na si Mika Salamanca dahil sa paglabag sa mandatory quarantine rule ng US island state.
Si Salamanca, 20, higit na kilala sa tawag na Mika sa kanyang mga fans, ay dumating sa Honolulu mula Maynila noong Hulyo 6. Kinakailangan niyang i-quarantine ang sarili sa loob ng 14 araw alinsunod sa patakaran ng Hawaii dahil sa coronavirus disease.
Pero apat na araw pa lamang pagkarating sa Honolulu, nakita na si Mika na nagsasayaw sa loob ng isang mall kasama ng ilang kaibigan at kumakain sa isang restaurant.
Isang netizen ang nag-call out kay Mika sa Facebook at ni-repost ang kanyang mga videos.
“Nilalabag niya ang 14-day mandatory quarantine. Nakita siya sa Ala Moana, kumakain ng yakiniku kasama ang mga kaibigan at nagti-TikTok sa mall,” ayon sa Facebook post ni Ransom Shakaloha Kauwe.
Nang malaman ito ng Hawaii Tourism Authority (HTA), kaagad na isinumbong si Mika sa mga awtoridad na nagresulta ng kanyang pagka-aresto, ayon sa ulat ng Honolulu news station na KITV.
Pansamantalang nakalaya si Mika matapos magpiyansa ng $2,000.
Sa YouTube, si Mika ay may 2.3 million subscribers, 1.7 million sa Twitter at 1.6 million sa Instagram.
RELATED STORY:
Pinay vlogger na si Mika dumipensa: ‘Kung meron po akong nilabag, dapat nasa presinto na ako’
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.