‘May mga walang pakialam sa kaligtasan ng iba, sarili lang ang iniintindi nila’
IISA lang ang panawagan ng mga pulitiko, maging ng mga LGU at ng ating mga kababayan, ang harinawang makinig naman sana ang mga taong pasaway para hindi na lumawig pa at magkaroon ng ekstensiyon ang lockdown.
Napatunayan na sa China ang matinding positibong resultang ibinigay sa kanila ng pananatili lang sa loob ng kani-kanilang bahay. Pinaghigpitan talaga ng gobyerno ng China ang kanilang pamayanan hindi lang sa Wuhan kung saan nag-ugat ang corona virus kundi sa lahat ng lugar.
Ang mga regular naming tagapanood-tagapakinig mula sa Hainan, China na sina Jojo at Lesley Grace Advincula ay lampas dalawang buwan nang nasa kanilang hotel lang ngayon.
Hindi sila pinalalabas, dumarating ang kanilang rasyon, marami silang mga musikerong nawalan ng trabaho mula nang magkaroon ng mga kaso ng COVID-19 sa nasabing bansa.
Kung nagawa ng mga Tsino ang matinding disiplina para mabawasan kundi man maitaboy na talaga ang mikrobyo ay bakit hindi rin natin magagawa ang ganu’n?
Malasakit lang naman para sa ating sarili at sa kapwa natin ang kailangan para hindi na sila lumalabas ng bahay, hindi nagsasabong, hindi nagpapalisaw-lisaw sa kung saan-saan.
May lockdown, pero ilang araw pa lang ang nakararaan ay nagkaroon nang matinding traffic sa SLEX, pinagtakahan ‘yun ng MMDA.
Nagdagdag sila ng mga magbabantay sa kalye, napatunayan nila na maraming kababayan nating nakaluluwag sa buhay ang bumibiyahe para lang makapag-grocery sa ibang siyudad, samantalang napakalinaw naman ng sinasabi ng enhanced community quarantine na bawal lumabas ng bahay.
Nakalulungkot lang isipin na may mga taong walang pakialam sa interes at kaligtasan ng kanilang kapwa. Sarili lang ang iniintindi nila.
Inupuan uli ni Pangulong Rodrigo Duterte at ng mga kalihim ng iba’t ibang sangay ng ating pamahalaan kung ano ang magaganap sa katapusan ng buwang ito.
‘Yun ang ibinigay na ekstensiyon ng lockdown, matutupad kaya ang palugit o mas hahabaan pa rin ang ECQ, dahil sa mga kababayan nating pasaway?
Kung mahal natin ang Pilipinas ay mahal din dapat natin ang kaligtasan ng ating mga kapwa Pinoy.
Mahirap nga namang gisingin ang mga nagtutulug-tulugan lang.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.