Isang boses versus nCoV ang kailangan! | Bandera

Isang boses versus nCoV ang kailangan!

Jake Maderazo - February 10, 2020 - 12:15 AM

SA panahong ito, hindi matatahimik ang isip ng bawat pamilyang Pilipino lalo’t ang panganib ng kumakalat na novel coronavirus ay nariyan lamang sa tabi-tabi.
Kahapon, 30 kababayan natin mula sa Wuhan city at Hubei province na siyang ground zero ng naturang epidemya sa China ay na-quarantine sa New Clark City.
Bukod ito sa Pinoy seaman sa MV Diamond Princess cruise ship naka -quarantine din sa Yokohama, Japan kasama ng higit 500 Pinoy staffers sa loob. Meron ding isäng Pinoy na nagpositibo sa Dubai, na kasama sa pitong nakumpirma sa UAE.
Sa huling nCoV tracker ng Department of Health, merong 267 persons under investigation sa buong bansa at 103 rito ay nasa Metro Manila, 36 sa Central Luzon, 24 sa Calabarzon, 23 sa Western Visayas, 18 sa Davao at 16 sa Central Visayas.
Ibig sabihin, sa mga lugar na ito maaaring magkaroon ng tinatawag na “domestic transmission” kung saan, Pinoy sa Pinoy na ang magkakahawaan.
Kung susuriin, ang namatay rito ay dayuhang Chinese na taga-Wuhan city o Hubei at mayroong ibang sakit. Ang natitirang Chinese na positibo ay magaling na ngayon at nagpapalakas na lamang. Indikasyon, ayon sa DOH, na meron ding gumagaling sa naturang sakit kahit ito’y nakamamatay.
Ganito rin ang sinasabi ng China, na 0.16 percent lamang ang mortality rate nito sa buong Mainland. Pero sa mismong Hubei province, ito’y pumapalo ng 3.1 percent samantalang sa Wuhan city ay 4.9 percent.
Pero, iba ang sitwasyon “on the ground”, ika nga. Bagamat hindi tayo nagpa-panic tulad sa Singapore na nagdeklara ng “orange alert” at nauubos ang mga grocery, kapansin-pansin ang pag-iingat ngayon ng bawat Pilipino.
Ang mga taga-Capas, Tarlac ang unang nagpakita ng “over-reaction” at ayaw papuntahin sa New Clark City ang mga Pinoy kasama ang mga pamilya nilang umuwi galing ng Wuhan at Hubei. Isang ugali na masasabi nating asal-makasarili at hindi asal-Pilipino.
Sa Totoo, kailangan natin ang pagmamatyag at pag-iingat sa ating sariling pamilya. Ito ay tama lamang na prayoridad ngunit kasunod niyan ay ang pag-iingat din natin para sa ating kalapit bahay at kaopisina. Ang kalaban natin dito ay ang pagdating ng “domestic transmission” kung saan magkakahawaan na tayo sa isa’t isa. Kung saan papasok ang panic at mga away-away na trabaho naman ng mga barangay, pulisya at otoridad.
Ang konswelo lamang ay hindi “airborne” ang naturang virus. “Droplets” ang transmission dito kayat mas mainam na panlaban ang madalasang paghuhugas ng mga kamay.
At dito, tandaan sana ang leksyon ng naunang pagbabalewala at pagpapabaya ng mga opisyal ng Wuhan city at ng China. Lahat ng mga opisyal ng gobyerno natin mula barangay, paakyat kay mayor, gobernador, mga local health officers, district health officers, regional health officers at DOH paderetso ng presidente, kailangang matuto.
Dapat isang tinig lang ang gagabay sa sambayanan upang matiwasay, iisang direksyon, at sabay-sabay nating labanan ang novel coronavirus na ito.
Kung si DOH Secretary Francisco Duque III, siya lamang dapat ang frontman sa labanang ito. HIndi kailangan ang mga kritiko, o sakay-media o pamumulitika rito. Kailangan ng mamamayan na masagot ang bawat tanong. Mabigyan ng gamot na kailangan. Malunasan ng mga ospital ang bawat karamdaman. Matulungan sa gastusin kung kailangan. Ngayon, hIndi puro salita kundi dapat ay gawa!

Your subscription could not be saved. Please try again.
Your subscription has been successful.

Subscribe to our daily newsletter

By providing an email address. I agree to the Terms of Use and acknowledge that I have read the Privacy Policy.

Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.

No tags found for this post.
Your subscription could not be saved. Please try again.
Your subscription has been successful.

Subscribe to our newsletter!

By providing an email address. I agree to the Terms of Use and acknowledge that I have read the Privacy Policy.

What's trending