Yul Servo: Inspirasyon ko si Yorme Isko...siya ang dahilan kung bakit ako nasa showbiz at politika | Bandera

Yul Servo: Inspirasyon ko si Yorme Isko…siya ang dahilan kung bakit ako nasa showbiz at politika

Ervin Santiago - November 01, 2019 - 01:00 AM

SI MANILA Mayor Isko Moreno ang isa sa mga dahilan kung bakit napasok sa politika ang award-winning actor na si Cong. Yul Servo o John Marvin Nieto sa tunay na buhay.

Parehong proud Manilenyo sina Yorme Isko at Cong. Yul (3rd District ng Manila). Kung sa Tondo lumaki si Isko, sa Binondo naman ang kongresista. At tulad ni Yorme, mahilig ding rumaket noon si Yul para sa mga sarili niyang pangangailangan.

“Gusto ko lang may perang sarili at may diskarteng sarili. Panlibre at pambili ng gin. Pero ngayon hindi na ako umiinom,” kuwento ni Cong. Yul nang makachikahan ng ilang members ng entertainment press kamakailan sa 1919 Grand Café sa Juan Luna, Binondo, Manila.

Inamin din ng kongresista na naging inspirasyon niya noon sa pag-aartista si Isko, “Kasi sabi ko kung naging artista si Isko, bakit ako hindi? Eh parehas lang kaming lugar, Tisoy siya, moreno ako. Tapos noong naging konsehal siya, paglabas ko ng bahay namin nakikita ko ‘yung poster niya, Councilor Isko Moreno, tapos artista na ako noon, sabi ko magiging konsehal din ako.

“Nasusundan ko kung ano ang ginagawa niya. Kasi nga inspirasyon ko siya. A, puwede rin pala. Kasi noong bata pa kami, pinagkukuwentuhan lang namin si Yorme, biruin mo naging artista o.

“‘Yung mga dati ko kasing kaibigan, nakikita lang siya riyan sa Pier, tapos bilib kami siyempre kasi naging artista siya eh, tapos nananalo siya sa mga awards night, ‘Yung Star of the Night. Sabi ko nangarap lang ako at nakilala ko naman siya,” pagbabalik-tanaw pa ng actor-politician.

At alam n’yo ba na si Yorme rin pala ang nagbigay ng chance sa kanya para maging konsehal, “Dapat ang daddy ko (ang tatakbong konsehal). Since pareho kaming artista, inilapit ko ang daddy ko. Hindi naman kami close noon pero magkakilala kami. Nagkataon pa na iisa ang manager namin noon, si Direk Maryo J. Delos Reyes (RIP).

“Kinausap ko siya para nga maging ka-tiket niya. Tinanggap naman niya, nagkataon lang na noong bandang huli na, sinabihan ang daddy ko ni Vice Mayor Danny Lacuña na ako na lang daw ang patakbuhin. Eh nag-aartista na ako noon.

“Ayun nanalo naman ako bilang konsehal first attempt ko. Si Yorme konsehal na tatakbong vice mayor.

Tapos ako pala ang tatakbo. Actually, ayaw ko noon at saka hindi rin gusto ni Direk Maryo. Bago ko napapayag si Direk Maryo joke lang, and eventually napapayag naman. Si Yorme rin ang tumulong sa akin para maging konsehal ako,” masayang kuwento pa ng aktor.

Pagpapatuloy pa niya, “Noong tinulungan niya akong makapasok sa partido, pinagbutihan ko naman ang pagiging konsehal ko.”

Nang matapos ni Yul ang term bilang konsehal, tumakbo at nanalo nga siyang kongresista ng 3rd district ng Manila.

Samantala, hindi pa rin talaga maiwan-iwan ng actor-politician ang showbiz. Nasa sistema na raw kasi niya ang pag-arte na ilang beses nang kinilala at binigyang-parangal ng iba’t ibang award-giving bodies.

Nakapitong Best Actor trophy na siya at tatlong Best Supporting Actor. Tatlo sa Brussels Awards, CineManila International, PMPC’s Star Awards, Famas at Gawad Urian.

Inamin ng aktor na may pagkakataong ayaw na niyang maging politiko dahil sa dami ng projects niya sa Tv at pelikula, “Ang ganda-ganda ng kita ko sa showbiz, biro mo magtatrabaho ako ng isang buwan, dalawang buwan, kikitain ko lang ng isang araw sa pag-aartista.

Your subscription could not be saved. Please try again.
Your subscription has been successful.

Subscribe to our daily newsletter

By providing an email address. I agree to the Terms of Use and acknowledge that I have read the Privacy Policy.

“Pero masaya naman ako, enjoy naman ako sa trabaho (pag-aartista) kasi iyon ang passion ko. Gusto ko talaga na nakikita ko ang sarili ko sa TV na umaarte,” pahayag pa ng kongresista.

Ibinalita rin ni Yul na sa darating na Nov. 3 na mapapanood sa HBO Go at HBO Originals ang bago niyang pelikula, ang “Food Lore: Island of Dreams” na idinirek ni Erik Matti. Makakasama niya rito sina Ina Feleo at Angeli Bayani.

Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.

Your subscription could not be saved. Please try again.
Your subscription has been successful.

Subscribe to our newsletter!

By providing an email address. I agree to the Terms of Use and acknowledge that I have read the Privacy Policy.

What's trending