SA mga nakaraang araw, nararanasan ang sobrang trapik sa Metro Manila na maikukumpara na sa kasagsagan ng Christmas holiday rush.
Walang magawa ang mga motorista at mga pasahero kung hindi magtiis sa kalbaryong nararanasan sa araw-araw makarating lamang sa dapat puntahan.
Tatlong taon na si Transportation Secretary Arthur Tugade ngunit tila imbes na mabigyan ng solusyon ang problema sa trapik lalu pang lumalala ito.
Bilang pinuno ng Department of Transportation (DOTr) dapat akuin ni Tugade ang responsibilidad sa pagkabigong bigyan ng kaginhawaan ang publiko sa nararanasang trapik.
Hindi rin dapat magpalusot ang mga opisyal ng DOTr at sabihing hindi naman mandato ng departamento ang pagpapaluwag ng daloy ng trapiko.
Sa ilalim ng mandato ng DOTr, nakalagay ang mga sumusunod na kanyang trabaho: The Department of Transportation and Communications (DOTC) is the primary policy, planning, programming, coordinating, implementing and administrative entity of the executive branch of the government on the promotion, development and regulation of a dependable and coordinated network of transportation and communications systems, as well as in the fast, safe, efficient and reliable transportation and communications services.”
Malinaw ang sinasabing mandato ng DOTr, tiyakin ang mabilis, ligtas, epektibo, masasandalang transportasyon.
Taliwas ito sa nangyayari sa araw-araw sa mga kalsada kung saan puro pagtitiis ng mga pasahero at motorista.
Si Tugade ang nagsusulong sa Kongreso ng emergency power para umano masolusyunan ang krisis sa trapik ngunit bigo naman siyang maglahad ng komprehensibong master plan para sa pagpapaluwag ng trapik sa bansa.
Mismong si Sen. Grace Poe ang nagsasabing dapat nang palitan si Tugade dahil sa patuloy na problema sa trapik, partikular sa Metro Manila.
Gaya ng pahayag ni Poe, dapat nang magtalaga ng bagong DOTr secretary na siyang tatanggap ng hamon.
Pinapalusot ni Tugade na hindi niya hawak ang Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) at Highway Patrol Group (HPG).
Kung hindi kayang akuin ni Tugade ang responsibilidad, ano pa ang silbi ng kanyang pananatili sa kagawaran?
Hindi ba’t, naranasan din noon ni dating Transportation secretary Joseph Emilio Abaya ang mga pagbatikos dahil din sa kabiguan na mabigyan ng kaginhawaan sa trapik ang mga motorista?
Hindi pa ba sapat ang tatlong taon na kalbaryo ng mga commuters para bigyan ng pagkakataon ang iba na mapaluwag ang trapik, lalu na sa Edsa?
Hindi na dapat pahirapan ni Tugade si Pangulong Duterte na sibakin siya at kusa nang bumaba sa katungkulan.
Para sa DOTr, imbes na ipilit ang pagpasa ng emergency powers, dapat umpisahan man lang ang pagbalangkas ng isang master plan na ang target ay unti-unting magpatupad ng mga programa para paluwagin ang daloy ng trapik sa bansa.
Kayat ang panawagan kay Tugade, mag-resign ka na lamang.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.