12 taon naglihim, kaya bang patawarin si misis?

By Beth Viaje August 16,2019
share this

12 taon naglihim, kaya bang patawarin si misis?

By Beth Viaje August 16,2019
share this

MAGANDANG araw Ateng.
Tawagin n’yo na lang pao akong Mar. May kinakasama po ako, at 12 years na kami at may dalawang anak.
Ni minsan ay hindi pumasok sa isip ko na lolokohin ako ng misis ko, kung misis man ang tamang tawag sa kanya. Ngayon ko lang nalaman na hindi ko pala anak ‘yung panganay namin. Ipinagtapat niya ito sa akin dahil binabagabag siya ng konsensiya niya.
Wala namang diperensiya kung iba ang tatay ng panganay namin dahil mahal na mahal ko ang bata. Di rin nabawasan pagmamahal ko sa anak ko kahit di ako ang kanyang biological father.
Pero ang problema ko ay kung paano ko pa pagtitiwalaan ang misis ko kung sa una palang ay niloko na niya ako. Payuhan mo ako. Salamat po.
Mar

Pinahanga mo ako, Mar. Salamat kasi kahit hindi mo tunay na anak ang inyong panganay ay hindi nagbabago ang iyong pagtingin sa kanya. Kahanga-hanga ang mga lalaking tulad mo.
Now, tungkol kay misis. Sa loob ba ng maraming panahon na pinagsamahan ninyo, nakita mo ba siyang nagkainteres sa iba? Nag-flirt ba siya sa iba? Sa palagay ko, hindi naman kasi hindi mo naman siya pinagdudahan sa loob ng 12 years ninyong pagsasama, di ba?
So, ano’ng nagbago? Di naman siya nagtaksil sa iyo. Kung meron, tiyak ‘yun ang sentro ng iyong liham sa akin. Wala ka namang nakitang ebidensya na unfaithful siya sa loob ng 12 years. Ang nangyari lang ay itinago niya ang tunay na pinagmulan ng panganay ninyo.
Ikaw man siguro ang lumagay sa posisyon niya, di ba matatakot ka rin? Di ba magdadalawang-isip ka ring ipagtapat ‘yung totoo? Di ba hahanap ka rin ng timing para masabi sa partner mo ‘yung totoo?
In fact, pwede niya naman iyan itago buong buhay ninyo di ba? Pero pinili niyang wag nang maglihim pa at ipagtapat na sa iyo ang kanyang itinatagong sikreto. Nag-risk siya na baka mawalan ka ng tiwala sa kanya, magalit o worse, itakwil mo ang panganay ninyo, pero naglakas siya ng loob at mapatunayang tapat siya sa iyo.
Understandable naman na mabigla ka at magalit. Give yourself time to adjust. Kaya nga tingnan mo rin, itatapon mo na lang ba basta ang 12 years na pinagsamahan ninyo na for sure ay naging masaya rin kahit may mga problema.
Nasa sa iyo lang ang susi para maging masaya ka at ang iyong pamilya. Kung kaya mong magpatawad, lumimot sa pagkakamali niya, at mag-move on, tiyak na may forever sa inyo.
Sana maging OK ka na sa mga susunod na araw, Mar. At maging OK na rin ang misis mo. Salamat sa kagaya mo na kahit nasaktan, nabigla ay kaya pa ring mabuting ama.

Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.

What's trending