SINABI ng Bureau of Fire Protection (BFP) na umabot lamang ng pitong sunog ang naitala sa pagdiriwang ng holiday season, mas mababa ng 82 porsiyento kumpara sa nakaraang taon.
Idinagdag ni BFP spokesperson Superintendent Joanne Vallejo na nakapagtala ang BFP ng 34 na insidente ng sunog sa kaparehong panahon noong isang taon.
“If we compare to last year, that’s an 82.35 percent drop sa sunog po na insidente kasi po last year of the same period we had 34 fire incidents compared ngayon, seven lang hanggang sa oras po na ito,” sabi ni Vallejo.
Idinagdag ni Vallejo na kabilang dito ang anim na sunog sa National Capital Region (NCR) at isa sa Ilocos Region.
Ani Vallejo isa sa mga sunog ay dulot ng mga paputok, na nangyari noong Disyembre 26 sa Bocaue, Bulacan.
Nasunog ang isang tricycle na may dala-dalang mga paputok, ayon kay Vallejo.
Karamihan naman sa mga sunog ay dulot ng naiwang nakasaksak na appliances, nag-overheat na mga appliances at naiwang nakasinding kalan.
“This means ‘yung mga pagluluto na naiwanan, overheating ng electrical appliances, yung hindi po pag-unplug ng atin pong appliances before we go to sleep,” ayon pa kay Vallejo.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.