Tito, Vic and Joey nabuhay sa siopao, mami sa unang 10 taon ng 'Bulaga' | Bandera

Tito, Vic and Joey nabuhay sa siopao, mami sa unang 10 taon ng ‘Bulaga’

Ervin Santiago - December 26, 2018 - 12:15 AM

TITO SOTTO, VIC SOTTO AT JOEY DE LEON

APAT na dekada nang namamayagpag sa telebisyon ang Eat Bulaga. Nagpalipat-lipat na ng tahanan ang longest-runnning noontime show sa Pilipinas pero nanatili pa ring loyal ang mga Pinoy sa mga Dabarkads.

Kahit saang studio man o istasyon lumipat, tapat pa rin ang milyun-milyon nitong tagasubaybay hindi lang dito sa bansa, kundi maging sa iba’t ibang bahagi ng universe.

Mahigit 20 taon ding ginawang tahanan ng EB ang lumang sinehan na ginawang TV studio sa Quezon City, ang Broadway Centrum, kung saan araw-araw na pumipila ang daan-daang Dabarkads na gustong manood ng live episodes ng EB at personal na makita sina Tito Sotto, Vic Sotto at Joey de Leon.

Ngunit ngayon, tiyak na mas magiginhawaan na ang mga tagasubaybay ng programa, maging ang mga host at production staff nito, dahil binuksan na ang bagung-bago at permanenteng studio ng noontime show – ang APT Studios sa Cainta, Rizal.

Sa labas pa lang ay agaw-pansin na ang nasabing studio dahil ang harap nito ay dinisenyo na parang isang entablado na binalot sa pulang telon na bahagyang nakabukas. Tila ipinahihiwatig na sa likod nito ay nag-aabang ang isang palabas na kaabang-abang at punung-puno ng sorpresa.

Ito ay nakatayo sa isang 9,200 sq. m. lote sa kabahaan ng Marikina-Infanta Highway at 10 minuto lang ang layo mula Santolan Station ng LRT 2.

Maraming programa na rin sa mga kalabang istasyon ang sumubok sa tatag ng Eat Bulaga ngunit walang nagtagumpay na wasakin ang record nito. Hindi nila makopya-kopya ang tried and tested nitong formula na patok sa masang Pinoy.

“Iyon siguro ang susi at open secret ng Bulaga. Simula noon ay hindi kami bumibitiw sa nakararami naming tagapanood na hanggang ngayon ay nandiyan pa rin,” ayon kay Joey na siyang nakaisip sa titulong Eat Bulaga noong 1979.

“English iyon at Tagalog. ‘Eat’ ay Ingles at ‘Bulaga’ naman ay Tagalog. Kasi inisip ko talaga noon na dapat kasama lahat. Ito ay show na bukas sa lahat ng Pilipino sa kahit anong antas ng buhay: A, B, C, D, hanggang F, G,” dagdag ng TV host-comedian.

Nagpasalamat din ang mga EB Dabarkads sa dedikasyon ng mga taong nasa likod at harap ng camera, at sa loyalty ng viewers, malayo na ang narating ng show mula sa simpleng pinagmulan nito noong unang umere sa Channel 9.

“Halos umabot muna ng isang taon bago kami nakatikim ng unang suweldo noon,” ani Joey. “Pero ang catch, naiwan pa sa taxi,” kuwento ni Joey tungkol sa isang insidente sa unang mga taon ng programa kung saan naiwan sa isang taxi ang perang dapat ipampapasuweldo sa mga host at staff.

“Saka iyong unang 10 taon namin, kanya-kanya kaming tanghalian. Kami nina Vic at Tito, talagang nabuhay kami sa siopao at mami. Nalibre lang kami ng pagkain noong lumipat kami sa Celebrity Sports Plaza. Kasi may word na ‘celebrity’ na, siguro nahihiya sila, pinakain na iyong mga celebrity,” dagdag pa ng Henyo Master.

q q q

Kung noon ay umuupa lang ng studio ang EB ngayon ay may sarili na itong tahanan na simbolo na rin ng kanilang tagumpay.

“Ang feeling namin it’s a blessing,” ayon kay Antonio “Mr. T.” Tuviera, President and Chief Executive Officer ng Television and Production Exponents (T.A.P.E.), ang producer ng Bulaga.

Ani Mr. T, matagal pinlano ang pagpapatayo ng bagong studio na isang alay ng EB sa milyun-milyong dabarkads na hindi bumitiw sa kanila mula noon hanggang ngayon, “That’s why we would like to give it back to the audience, to everybody, because we owe it to them. Hindi naman maitatayo itong mga ganito without them.”

Pero siyempre, mami-miss din nila ang dati nilang tahanan lalo na ng phenomenal loveteam nina Alden Richards at Maine Mendoza. Hindi nila maiwasang maging sentimental sa paglisan nila sa Broadway kung saan nabuo ang kanilang tambalan.

“Maraming memories din namin ni Maine ang nabuo noong mga panahong nasa Broadway Centrum pa kami, kasi doon naman talaga nag-umpisa ang lahat. In fact, doon sobrang nabago ang buhay namin pareho,” sey ng Pambansang Bae.

“Ngayon po na eto meron na kaming sariling tahanan, siguradong ito ay umpisa ng panibagong memories na naman; marami na naman kaming pagsasamahan dito. So ako very excited ako sa mga susunod na mangyayari dito simula ngayong araw,” dagdag ni Maine.

Bilang pasasalamat ng Eat Bulaga sa pagbubukas ng kanilang bagong studio ay namigay sila ng isang bagong house and lot. Lahat din ng mga pinalad na makapasok sa studio ay nag-uwi ng groceries at noche buena package.

“Ito na ang umpisa ng EB version 4.0. Ang studio na ito ay para sa mga susunod na henerasyon ng mga dabarkads,” ani Bossing.

“More than just a house, it is a home – a home that is not just for our dabarkads in the past or at present but more importantly for the dabarkads in the future,” paliwanag ni Mr. T. “Sabi nga ni Joey, maski gumradweyt na kami, nandito pa rin ang Eat Bulaga.”

Your subscription could not be saved. Please try again.
Your subscription has been successful.

Subscribe to our daily newsletter

By providing an email address. I agree to the Terms of Use and acknowledge that I have read the Privacy Policy.

“Ang aming studio ay bukas para sa bawat Pilipino na gustong makatikim ng ‘isang libo’t isang tuwa’ na hatid ng Eat Bulaga. Kami’y nagpapasalamat sa inyong walang-sawang pagsuporta sa amin sa loob ng 40 taon. At hangga’t nandiyan kayo, nandiyan din ang Eat Bulaga,” pangako pa ni Joey.

Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.

Your subscription could not be saved. Please try again.
Your subscription has been successful.

Subscribe to our newsletter!

By providing an email address. I agree to the Terms of Use and acknowledge that I have read the Privacy Policy.

What's trending