Susan Roces 77 na: Ibinandera ang sikreto sa malusog, aktibo at magandang buhay
SA edad na 76 malakas at aktibo pa rin ang movie queen na si Jesusa Purificación Sonora na mas kilala sa mundo ng showbiz bilang si Ms. Susan Roces. Turning 77 na siya sa darating na July 28 pero malakas na malakas pa rin ang kanyang pakiramdam.
Gabi-gabi pa ring napapanood ang award-winning actress sa primetime series ng ABS-CBN na Ang Probinsyano bilang si Lola Flora at tuloy pa rin ang paggawa niya ng mga commercial, kabilang na riyan ang super successful niyang TV para sa RiteMed.
Muling pumirma ng kontrata si Ms. Susan bilang brand ambassador ng RiteMed, ibig sabihin ito na ang ika-7 taon niya sa nasabing kumpanya at umaasa ang mga taong nasa likod ng RM na pang-forever na ang partnership nila ng veteran actress.
Sa ginanap na contract signing sa pagitan ni Ms. Susan at ng RiteMed (with Vincent Guerrero, general manager and Jose Maria Ochave, senior vice president of United Laboratories), inamin ng aktres na napakaswerte niya dahil hanggang ngayon ay napakalaki pa rin ng tiwala sa kanya ng RM. Nagpasalamat din siya sa madlang pipol dahil sa patuloy na pagmamahal sa kanya at pagsuporta sa lahat ng kanyang mga proyekto.
Kuwento pa ni Ms. Susan, napakasarap sa pakiramdam kapag naririnig niyang kinakanta ng mga taong nakakasalamuha niya ang jingle ng RM at kahit saan daw siya magpunta bukambibig pa rin ng mga Pinoy ang sikat na sikat na ngayong, “Pag kailangan ng gamot, wag mahihiyang magtanong!”
q q q
Natanong din ang lola ni Coco Martin sa seryeng Probinsyano kung paano niya name-maintain ang kanyang maayos na kalusugan lalo na ngayong super busy pa rin siya sa taping ng kanilang serye. Tugon ni Ms. Susan, “Ang payo ng doktor ko, ‘huwag kang kakain ng masasarap’. Iwas sa lahat ng bawal.”
“Puwede kang kumain ng kahit gaano karaming seafood pero alisin ang aligi, wag mong kakainin ang ulo ng hipon o wag mong kakainin ang tiyan ng bangus,” sey pa ng beteranang aktres.
“Importante na alam natin kung paano natin aalagaan ang ating kalusugan natin. Like our diet, I don’t go for fad diets. I just taste. At my present age, I taste every thing. I do not indulge,” sey pa ni Ms. Susan.
Dugtong pa niya, “It’s accepted, lahat ng tao, tumatanda pero, siguro, salamat na lang sa Panginoon, at kung anong wrinkles meron ako ay happy wrinkles.”
Isa ang biyuda ni yumaong Da King Fernando Poe, Jr. sa mga veteran stars na hanggang ngayon ay aktibo pa rin sa pag-arte. At bilang movie queen na tinitingala at nirerespeto sa entertainment industry, ano ang maipapayo niya sa mga artista ngayon para tumagal sa propesyong ito?
“Sa panahon ngayon mahirap magbigay ng pangaral, advice, etcetera. Especially unsolicited advice, it’s very much regretted. So I have no advice, I am not willing to give advice, I just share whatever I had gone through experience,” sagot ng aktres.
Para naman sa mga nagiging biktima ng depresyon, ang dapat daw kapitan sa mga ganitong pagsubok ay ang religion at family, kailangan daw maging sensitive ang bawat miyembro ng pamilya sa feelings at pinagdaraanan ng isa’t isa.
Samantala, sa ika-7 taon ni Ms. Susan sa RiteMed, gagawa uli siya ng bagong ad campaign para ipaalam sa buong Pilipinas na hindi mahal ang magkasakit. Kasabay nito, bilang bahagi ng 77th birthday celebration ng award-winning actress next month magkakaroon siya ng medical mission katuwang ang RiteMed.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.