Klarisse umaming ‘NBSB’; may bagong hugot album
“NBSB”, as in no boyfriend since birth din pala ang Birit Queen na si Klarisse de Guzman.
Ito ang diretsong inamin ng dalaga nang humarap sa ilang miyembro ng entertainment press sa launching ng kanyang bagong self-titled album under Star Music. Aniya, wala pa talaga siyang naging dyowa ever at hindi pa niya naranasan ang magka-lovelife.
“Ang gusto ko kasi, kung sino ang magiging first boyfriend ko, siya na talaga. Ganu’n ang ideal relationship ko. So, single pa rin ako until now. NBSB pa rin. Pero naniniwala ako na darating din siya sa tamang panahon, hindi naman nagmamadali,” chika ng 26-year-old Kapamilya biritera.
Kaya naman natanong ang The Voice of the Philippines season 1 second placer kung saan siya kumuha ng inspirasyon para mabigyan ng justice ang halos lahat ng hugot songs sa kanyang latest album.
“Basta inisip ko lang, inilagay ko lang yung sarili ko du’n sa song, inaral kong mabuti. Actually, lahat ng kanta sa album mahirap kasi nga puro hugot, karamihan break-up song. Kaya effort po talaga,” sey pa ni Klarisse na grabe rin ang powers ng lalamunan kapag bumirit na.
In fairness, kakaiba ang ibinigay na mediacon para sa album ng tinaguriang Soul Diva na ginanap sa recording studio ng Star Music sa ABS-CBN building. Kinanta ni Klarisse ang ilan sa mga track sa album as if nire-record niya ito. Kasabay nito, ipinaliwanag din ng producer ng album na si Rox Santos ang proseso kung paano ginagawa ang isang studio album.
Isa sa mga kinanta ni Klarisse ang version niya ng break-up song na “Paalam Na” na pinasikat noon ni Rachel Alejandro na talagang pinalakpakan ng mga nasa album launch.
Naglalaman ng pitong Tagalog love songs ang “Klarisse”, bukod sa “Paalam Na”, mapapakinggan din ang “Wala Na Talaga” na siyang carrier single na siya ring ginamit na theme song sa Kapamilya Asianovela na My Dearest Intruder, ang duet nila ni Morisette na “Ikaw Ay Ako” na naging theme song ng seryeng Doble Kara.
Kasali rin sa album ang “Sana’y Tumibok Muli,” isang entry ni Joel Mendoza sa 2016 Himig Handog P-Pop Love Songs, “Sa Pangarap Na Lang,” na kasalukuyan nang napapakinggan sa mga FM radio stations, “Eto Na Naman Tayo,” at ang “Mahal Mo Pa Ba Ako.”
Available na ang “Klarisse” album sa sa ABS-CBN Store at maaari na rin itong i-download mula sa mga digital stores. Para sa karagdagang impormasyon, bisitahin ang starmusic.ph, i-like ang Star Music sa facebook.com/starmusicph, at sundan ito sa Twitter at Instagram @ StarMusicPH.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.