Lane-splitting bawal talaga sa batas natin
ANG lane-splitting ay ang ugali ng mga motorsiklo sa lansangan na bumabagtas sa gitna ng linya ng mga sasakyan o magtabi-tabi sa isang lane. Ito madalas ang pinagmumulan ng disgrasya o away sa pagitan ng mga kotse at motorsiklo dahil madalas ang aksidente dahil sa gawaing ito ng mga motorsiklo.
Sa LTO Admninistrative Order AHS-2008-15, nakasaad sa Section 1 Paragraph D ang depenisyon ng Lane Splitting na – “Lane Splitting” shall mean using or sharing a lane already occupied by one vehicle by another vehicle such as a motorcycle or scooter in a road or highway.
Sa Section 9 Paragraph C naman ay particular na sinasabi na bawal ito (“c) A driver/rider shall observe the rule and on one lane per one vehicle only. Lane splitting is prohibited along a road or a highway. Motorcycles or scooters shall not be operated on sidewalks.”
Subalit nakakatuwa ang mga riders (yan ang tawag sa mga nakamotorsiklo) sa pagtatanggol nila na legal ang lane-splitting dahil legal daw ito sa California, USA.
Opo sa California po ay legal ito, pero may mga restriction din sila roon tulad ng hindi pagtakbo ng trapiko mahigit sa 10miles-per-hour (mga 15kph dito) para magawa ang lane splitting. Sa Pilipinas ay bawal pa rin ito sa batas.
Ang ibig sabihin ng batas kontra lane-splitting ay simple, hindi puwede ang dalawang sasakyan sa isang lugar sa “lane” sa kalsada. Ito ay dahil sa batas ng “right of way” ay sinasaad na isang sasakyan lamang sa isang espasyo sa linya sa kalsada. Importante ang alituntunin na ito sa maayos at ligtas na pagtahak ng mga sasakyan sa ating mga lansangan.
Hindi rin maaari na tahakin ng mga motorsiklo ang guhit sa gitna ng mga lanes na nakasanayan na ng mga riders natin.
Maraming pagkakataon na delikado ang lane-splitting. Minsan ay may biglang pinto ng auto ang bumubukas na siyang dahilan ng pagsemplang ng motorsiklo na dumadaan sa gitna. Delikado rin na hindi makita ang motor ng driver ng malalaking sasakyan tulad ng trak at bus at maipit ang rider.
Subalit ang pinaka-importante sa batas na ito ay ang dahilan na mayroon dapat sapat na distansiya ang bawat sasakyan sa lansangan sa isa’t isa upang mapanatili ang kaligtasan ng lahat.
Ang problema sa atin, ang mga traffic enforcers ay pawang mga naka-motorsiklo kung kaya’t mas tinututukan nila ang gusto nilang magawa sa motoriklo imbes na ipatupad ang batas.
Oo nga pala, nabasa niyo ba ang huling bahagi ng Section 9 Paragraph C ng batas na ito? Yung sinasabing bawal sa motorsiklo sa sidewalks? Hindi din ito sinusunod o sinisita ng mga traffic enforcers o pulis.
Para sa komento o suhestiyon, sumulat po lamang sa [email protected] o sa [email protected].
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.