MAHALAGA sa mga Pilipino ang pagsasama-sama ng pamilya kahit hanggang kamatayan. Kaya tuwing Undas ay sinasamantala ng maraming Pinoy na sabay-sabay alalahanin ang mga yumaong mahal sa buhay.
Gaya ng mga selebrasyon o okasyon ng mga Pilipino, maraming tradisyon na ginagawa tuwing Pista ng Patay.
Bisita
Bago pa sumapit ang Nob. 1 o 2, maraming pamilyang Pilipino ay bumibisita sa puntod ng kanilang mga mahal sa buhay. Minsan ay ginagawang mini-reunion ito, at ang handaan ay sa sementeryo, kasabay ang pag-aalay ng bulaklak at dasal sa mga yumao na.
Linis
Sabay ng pagbisita, ito rin ang panahon para ayusin, linisan at papinturahan ang puntod ng mahal sa buhay.
Alay na pagkain
Namana ang kaugaliang ito sa mga Tsino, na nag-aalay ng mga paboritong pagkain sa puntod ng mga yumaong mahal sa buhay.
Ang iba naman ay pinipiling huwag magdala ng kahit anong pagkain sa mga sementeryo dahil ito raw ay araw para sa mga patay at hindi sa mga buhay.
Overnight
May ilang pamilyang Pilipino na nagtatagal sa sementeryo ng ilang araw — kadalasan Oktubre 31 hanggang Nob. 2 — ang tanging panahon na makakapiling ang mga mahal sa buhay na wala na.
Kandila, bulaklak
Hindi kumpleto ang paggunita sa mga patay kung walang iniaalay na kandila at bulaklak. Sa mismong Araw ng mga Patay, ang mga kabahayan ay nagsisindi ng kandila para tanglawan ang mga yumao na bibisita sa kanilang mga bahay.
Dasal
Kasabay ng pagsindi ng kandila sa tabi ng puntod ay ang pagdarasal. Ito ang ginagawang tulay ng mga nabubuhay upang makausap ang mga kaluluwa ng mga mahal sa buhay. Ginagawa rin ito para sa ikatatahimik ng kanilang kaluluwa.
Puntod
Isang paniniwala naman ang para sa mga Pinoy na pag ikaw daw ay nasa sementeryo ay huwag mong hahakbangan ang isang puntod. Nasasaktan daw ang mga kaluluwa rito.
Usok
Sa ilang probinsya, pinapadaan ang mga bumisita sa sementeryo sa usok ng isang bonfire. Ito ay para maiwasan ang mga masasamang espirito na sundan ka.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.