WALANG maipapangako ang tao. Anumang normal ngayon, bukas-makalawa ay maaaring iba na ang kalagayan. Lalo pa’t pawang hindi kontrolado ng tao ang mga bagay-bagay.
Tulad na lamang ng sitwasyon ngayon sa Qatar.
Kamakalawa ay inanunsyo ng Saudi Arabia, Bahrain, United Arab Emirates at Egypt na pinuputol na nila ang anumang kaugnayan sa nasabing bansa dahil sa pagsuporta nito sa terror groups.
Kaagad lumikha ito ng pagkagimbal, pagkabahala at takot sa mga mamamayang naninirahan doon.
Nagpa-panic-buying na sila. Kailangan nilang makapag-stock ng kahit ano sa pangambang maaaring magutom sila kung hindi na nga papasok sa Qatar ang mga produktong pagkain.
Malaking dagok din ang agad na pagkakansela ng mga eroplanong bumabiyahe patungong Qatar. Hindi rin maaaring lumipad ang mga galing ng Qatar dahil hindi na sila papayagang gumamit ng air space ng naturang mga bansa.
Kaya naman, bantay-sarado ngayon sa kanilang pagmo-monitor ang Department of Foreign Affairs (DFA) hinggil sa kalagayan ng mga OFWs sa Qatar.
Ayon kay DFA Secretary Alan Peter Cayetano, dahil sa nangyayaring kaguluhang ito sa pagitan ng limang mga bansa ay siguradong maaapektuhan ang mga OFW doon.
Nilinaw naman ni Consul General Atty. Raul Dado, executive director ng Office of the Undersecretary for Migrant Workers Affairs (OUMWA) ng DFA na wala pa namang itinataas na crisis alert level ang pamahalaan at patuloy pa umano silang nagbabantay sa anumang mga kaganapan doon.
Kahit wala pang direktang epekto ito sa ating mga Pilipino sa Qatar sa ngayon, dahil hindi naman umano nagko-cross border ang ating mga kababayan, umaasa silang babalik sa normal ang sitwasyon doon sa lalong madaling panahon.
Kung tinatayang nasa 24 porsyento ng 2.4 milyon na bilang ng mga OFW ang nakabase ngayon sa Saudi Arabia, 5.5 porsyento naman nito ang nasa Qatar.
Hindi maaalis sa kanila ang pag-aalala tulad na lamang nang nabanggit ng isang doktor na kadarating lamang sa Qatar kasama ang dalawang anak nito upang samahan ang asawang nagtatrabaho roon.
Wala na silang babalikan pa sa Pilipinas dahil ibinenta na nila ang lahat ng kanilang mga ari-arian. Hindi kasama sa kanilang plano ang ganitong mga kalagayan. Ang alam lamang nila, magtatrabaho at mamumuhay sila sa Qatar bilang isang kumpletong pamilya at hindi kasama sa kanilang mga plano ang kawalang-kasiguruhan!
Si Susan Andes a.k.a Susan K. ay napapakinggan sa Radyo Inquirer DzIQ 990 AM (M-F 10:30 am 12:00 pm, audio/video live streaming: www.ustream.tv/channel/dziq Helpline: 0998.991.BOCW E-mail: [email protected]/ [email protected]
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.