Para maintidahan ang Semana Santa, manood ng pelikula | Bandera

Para maintidahan ang Semana Santa, manood ng pelikula

Leifbilly Begas - April 12, 2017 - 05:06 PM

bandera-3 copy

KAPAG Semana Santa ay walang palabas sa mga local channels (marami pa ring Pinoy na walang cable) kaya marami ay nanonood na lamang ng DVD.

Sa halip na mga action at love stories, baka type mong panoorin ay ang pagpapakasakit ni Hesus tutal panahon naman ng pagtitika.

Maraming sumikat at naging kontrobersyal na pelikula tungkol sa buhay ni Kristo at narito ang ilan sa mga napili ng BANDERA para sa iyo.

Passion of the Christ

Noong 2004, inilabas ang pelikulang ito na gawa ng aktor na si Mel Gibson.

Si Jim Caviezel ang gumanap sa papel ni Hesus at ibinase ang kuwento sa nakasulat sa Gospel ni Matthew, Mark, Luke at John.
Nakasentro ang pelikula sa huling araw ni Hesus sa mundo at ipinakikita kung papaano pinahirapan si Hesus.

Masyado umanong makatotohanan ang pagkakagawa sa pelikulang ito kaya mayroong mga napapaaray sa panonood.

Bago ang Deadpool na inilabas noong nakaraang taon, ang Passion ang pinaka bumentang R-rated film sa Estados Unidos. Umabot ang kita nito sa $612 milyon.

Nakapagtala rin ito ng tatlong nomination sa Academy Award noong 2005.

King of Kings

Luma na ang pelikulang ito na ipinalabas noong 1961. Gawa ito ni Nicholas Ray na tumatalakay sa buhay ni Hesus mula nang ipanganak ito hanggang sa muling nabuhay matapos na ipako sa krus.

Natalakay sa pelikula si Barabas na piniling palayain.

Binigyang-diin sa pelikula ang pakikipaglaban ni Barabas laban sa mga Romano at ang pagpili sa kanya na mapalaya sa halip na si Hesus.

Ninais ni Judas na impluwensyahan si Barabas upang kilalanin nito si Hesus at impluwensyahan si Hesus upang manguna sa pag-aaklas laban sa mga Romano.

Nanggaling si Ray sa teatro kaya makikita ang drama sa kanyang ginawang pelikula.

Kristo

Hindi naman magpapahuli ang mga Pinoy sa paggawa ng ganitong klase ng pelikula.

Noong 1996, inilabas ang pelikulang Kristo na pinagbidahan ni Mat Ranillo III at ang gumanap na Hudas ay si Rez Cortez.
Ang direktor ay si Ben Yalung sa ilalim ng Cine Suerte Productions at Oasis of Love Movement.

Naging popular ang pelikulang ito dahil sa dami ng mga sikat na artista na gumanap gaya nina Amy Austria bilang si Mary Magdalene, Gabby Concepcion bilang San Juan Bautista, Rudy Fernandez bilang Simon, Lorna Tolentino bilang Veronica at Christopher de Leon bilang Dimas.

Si Ranillo ay na-nominate bilang Best Actor sa Film Academy of the Philippines noong 1997 dahil sa pelikulang ito.

Jesus Christ Superstar

Isang musical drama film ang pelikulang Jesus Christ Superstar na ginawa ni Norman Jewison batay sa rock opera na likha naman nina Andrew Lloyd Webber at Tim Rice.

Si Ted Neeley ang gumanap sa papel ni Hesus at sumentro ito sa huling linggo ni Hesus bago hinuli at
ipinako sa krus. Ang gumanap namang Hudas ay si Carl Anderson.

Ang dalawa ay na-nominate sa Golden Globe noong 1974 dahil sa kanilang pagganap sa kani-kanilang role.

Nabigyan ng pansin sa pelikula ang padududa ni Hudas na si Hesus ay anak ng Diyos. Palagay niya siya ay isa lamang tao at nangangamba siya sa kanilang sasapitin dahil sa paglaki ng kanilang tagasunod.

The Last Temptation of Christ

Binigyan naman ng kakaibang twist ng pelikulang The Last Temptation of Christ ang kuwento ng pagkamatay ni Hesus.

Ang pelikulang ito ay ipinalabas noong 1988 at ginawa ni Martin Scorsese. Halaw ito sa nobelang isinulat ni Nikos Kazantzakis.

Ipinapakita sa pelikula ang mga tukso na kinailangan umanong lagpasan ni Hesus para magawa niya ang kanyang misyon sa lupa.

Kasama umano sa tukso na ipinakita sa pelikula ang pag-aasawa ni Hesus. May mga Kristiyano na nadismaya sa pelikulang ito bagamat mayroong disclaimer na nagsasabi na ang kuwento ay hindi galing sa Bibliya.

Na-nominate si Scorsese sa Best Director ng Academy Award dahil sa pelikulang ito.

Si Barbara Hershey naman ay na-nominate bilang Supporting Best Actress sa Golden Globe samantalang si Peter Gabriel ay na-nominate sa Golden Globe para sa Best Original Score.

Color of the Cross

Hindi rin tipikal ang kuwento ng Color of the Cross na ipinalabas noong 2006 at obra ni Jean Claude La Marre na siya ring gumanap sa papel ni Hesus.

Sa pelikula, si Hesus ay isang negro at ang pagpako sa kanya sa krus ay resulta ng racism.

Sa huling mga oras ni Hesus, nagpatawag ng pagpupulong ang Jewish Sanhedrin upang pag-usapan ang lumalaking tagasunod nito.

Hindi makapaniwala ang mga miyembro ng Sanhedrin na isang negro ang messiah.

Judas

Noong 2002, lumabas ang TV drama film na Judas.

Hindi ito nakasentro lamang kay Hesus kundi maging kay Hudas at kanyang motibo.

Naging malapit ang dalawa sa isa’t isa bagamat noong una ay hindi kumbinsido si Hudas kay Hesus.

Nakita ni Hudas ang pagkakataon na magamit si Hesus upang mag-aklas ang mga Hudyo laban sa ma-nanakop na Romano.

Sa huli, nakakita ng pagkakataon ang mga lider na Hudyo upang kumbinsihin si Hudas na ipagkanulo si Hesus para mailigtas ang kanilang bansa.

The Robe

Ang pelikula ay ipinalabas noong 1953 at sumentro hindi lamang sa pagpapapakasakit ni Hesus kundi sa kanyang damit. Gawa ito ng direktor na si Henry Koster.

Isang opisyal ng mga Romano ang nakakuha sa damit ni Hesus matapos itong lagutan ng hininga. Noong panahon, mahal ang tela.

Habang naglalakbay ay umulan at ginamit ng Romano ang robe ni Hesus bilang pananggalang sa ulan.

Biglang naramdaman ng Romano ang pagsisisi sa kanyang partisipasyon sa pagpako kay Hesus.

Risen

Inilabas ang pelikulang Risen noong 2016 na gawa ni Kevin Reynolds.

Matapos na gibain ang tangkang pag-aaklas ni Barabas, si Clavius ay inatasan ni Pilato upang imbestigahan ang sinasabing pagkabuhay ni Hesus.

Nais ni Pilato na hanapin ang bangkay ni Hesus. Hinanap niya ang mga disipulo upang matunton ang kinaroroonan ng katawan.

Pero ang kanyang nakita ay ang pakikipag-usap ng nabuhay na si Hesus sa kanyang mga apostol.

Sa huli ay tumulong si Clavius sa mga disipulo upang matakasan ang mga umuusig na Romano sa kanila.

The Gospel According to St. Matthew

Your subscription could not be saved. Please try again.
Your subscription has been successful.

Subscribe to our daily newsletter

By providing an email address. I agree to the Terms of Use and acknowledge that I have read the Privacy Policy.

Isang Italian biographical drama film na ipinalabas noong 1964 ang The Gospel According to St. Matthew. Gawa ito ni dire Pier Paolo Pasolini.

Ayon kay Pasolini, pinili niya ang bersyon ni Matthew dahil ang gospel ni John ay ‘too mystical’ ang kay Mark ay ‘too vulgar’ at ang kay Luke ay ‘too sentimental’.

Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.

Your subscription could not be saved. Please try again.
Your subscription has been successful.

Subscribe to our newsletter!

By providing an email address. I agree to the Terms of Use and acknowledge that I have read the Privacy Policy.

What's trending