Dating MRT GM Vitangcol muling kinasuhan
Muling sasampahan ng kasong graft ng Office of the Ombudsman si dating Metro Rail Transit Authority general manager Al Vitangcol III na nagtangka umanong kotongan ng $30 milyon ang isang supplier.
Bukod kay Vitangcol, kakasuhan din si Wilson de Vera na kasabwat umano nito sa pagtatangka na kikilan ang INEKON, isang Czech company na nagsusuplay ng mga light rail vehicle.
Si Vitangcol ay napatunayan ding guilty sa dalawang kasong administratibong Grave Misconduct, Serious Dishonesty at Unlawful Solicitation na may parusang pagkasibak sa serbisyo.
Pero dahil wala na sa serbisyo si Vitangcol siya ay pagmumultahin na lamang ng kasing halaga ng kanyang isang taong suweldo.
Hindi na rin siya maaaring magtrabaho sa gobyerno at hindi na niya makukuha ang kanyang retirement benefits.
Humingi umano ng $30 milyon ang mga akusado sa INEKON pero naibaba ito sa $2.5 milyon para sa suplay contract. Sinabi umano ni Vitangcol na dapat pumasok sa joint venture ang INEKON sa PH Trams kung saan incorporator ang tiyuhin ng kanyang misis.
Nagkakahalaga ng P3.7 bilyon ang kontrata.
Sa desisyon ni Ombudsman Conchita Carpio Morales sinabi nito na may batayan upang kasuhan si Vitangcol at de Vera. Kasama sa mga ikinonsiderang ebidensya ng Ombudsman ang pahayag nina Czech Ambassador Josef Rychtar at kinatawan ng INEKON na si Joseph Husek.
Nauna rito, kinasuhan ng graft ng Ombudsman si Vitangcol sa Sandiganbayan dahil sa pagbibigay umano ng maintenance contract ng MRT 3 sa PH Trams-CB&T joint venture.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.