Onyok, Coco maraming pinaiyak na ina; mga bully sa iskul pinatamaan
GRABE ang impact sa madlang pipol ng madadramang eksena ng batang si Onyok sa nakaraang episode ng Primetime Bida series na Ang Probinsyano na pinagbibidahan ni Coco Martin.
May koneksyon sa isyu ng pambu-bully ang nasabing episode kaya naman maraming bata at mga ma-gulang ang naka-relate rito, lalo na yung mga estudyanteng pinagtutulungan ng kanilang mga kaklase.
Puro papuri ang narinig namin mula sa mga nakapanood ng nasabing episode ng Ang Probinsyano noong Martes, bilib na bilib sila sa galing ni Onyok (Xymon Ezekiel Pineda sa tunay na buhay) bilang biktima ng matinding pambu-bully sa iskul.
Nu’ng una ay binasa siya ng mga kaklase sa pamamagitan ng garden hose sa kanilang iskul dahil inggit na inggit ang mga ito sa kanya. Kahit nga naman kasi isang probinsyano ay nagagawa nitong ma-ging magaling sa klase at palagi pang pinupuri ng kanilang teacher.
Sa katunayan binigyan pa siya ng “star” ni teacher dahil sa kanyang pagsagot lagi sa klase. Pero kahit dinededma na ni Onyok ang pambu-bully sa kanya ay hindi pa rin siya tinigilan ng mga kaklase.
Isa sa mga ito ang tumulak sa kanya na kanyang ikinadapa sa lupa. Dito na nagalit ang bata at nang akma na niyang susuntukin ito dumating si Teacher Ofelia (Carla Humphries) at pinigil siya.
Pinapunta nito ang mga magulang ng dalawang bata para kausapin nang masinsinan. At nang malaman ni Onyok na pupunta ang kanyang Kuya Cardo (Coco) at Lola Flora (Susan Roces) sa iskul agad siyang nagtatakbo papunta sa bahay ng kanyang Ate Glen (Maja Salvador) at dito isinumbong ang tunay na nangyari.
At nang makaharap na nga ni Onyok sina Kuya Cardo at Lola Flora emosyonal niyang idinetalye sa mga ito ang pambu-bully sa kanya ng mga kaklase na talagang dumurog sa puso ng mga manonood.
In fairness, ang daming napahanga at napaiyak ni Onyok sa nasabing eksena. Marami ring nanay ang nagkomento na parang gusto na raw nilang ampunin si Onyok dahil awang-awa sila sa bata.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.