Ate Vi sinisira para di makatakbo sa 2016
Sumablay na naman ang isang sangay ng ating pamahalaan sa pangangalampag nila nang wala sa tiyempo sa mga politikong halal ng bayan.
Dahil daw sa hindi pagkumpleto ng mga naturang politiko sa hinihinging SOCE ng Commission on Elections ay kailangan na nilang lisanin ang kanilang posisyon.
Isa sa mga tinirador ng ahensiya ay si Governor Vilma Santos na kung pagiging responsable ang pag-uusapan ay makapagbibigay pa sa ibang politiko, ganu’n katindi ang kanyang disiplina bilang serbisyo publiko, galit na galit sa COMELEC ang mga tagasuporta ng aktres-politiko.
Ano ‘yun, parang sakit ng tiyan lang, na kapag may nasilip lang na katiting na kakapusan ng isang politiko ay napakadali na para sa kanila ang magpababa sa puwesto ng isang ibinoto ng kanyang mga nasasakupan?
Si Governor Vilma Santos, si Governor ER Ejercito, ano ba naman ang akala ng mga kalampagerong ‘yun, nagpapakasarap lang sa kanilang mga upuan ang dalawang politiko, nakikipaglaro lang sa kanilang kapangyarihan?
Suyurin sana ng mga sumisilip sa kanila ang mga lalawigang pinamumunuan nila. Progresibo ang Laguna, ganu’n din ang Batangas, sa pamumuno nina Governor ER at Governor Vilma ay maipagmamalaki ang dalawang probinsiyang ito.
Bago pa dumating ang huling araw ng pagsusumite ng SOCE ay maagap nang nagdeklara at nagsumite si Governor Vilma. Siya pa ba naman ang mabubutasan sa disiplina?
Mayora pa lang siya ng Lipa ay lutang na lutang na ang linis ng kanyang kartada bilang politiko. Kulang daw sa pirma ang Star For All Seasons sa mga ipinadala niyang dokumento.
Kulang pala, pero bakit ‘yun tinanggap ng COMELEC, di sana’y pinapirma pa siya uli nang kung ilang ulit para lang masolusyunan ang ipinangmamarakulyo ng ahensiyang ito?
Isa bang nakakapanindig-balahibong kalaban si Governor Vilma sa 2016? May kinatatakutan na bang multo ang ibang politiko diyan kaya ngayon pa lang ay kailangan nang walisin ang mga pigurang kinatatakutan nila?
Mas pinatatangos lang nila ang ilong ng Star For All Seasons.
( Photo credit to Google )
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.