Limang hinihinalang kawatan ng motor ang patay nang makipagbarilan sa mga pulis matapos salpukin ang isang checkpoint sa Muñoz City, Nueva Ecija, kaninang umaga.
Naganap ang barilan dakong alas-3 sa checkpoint ng Commission on Elections (Comelec) sa Brgy. Sapang Cauayan, sabi ni Inspector Connie Baglinit, duty officer sa Muñoz City Police Station.
Pinamumunuan ni Supt. Ponciano Zafra, hepe ng lokal na pulisya, ang checkpoint kasama ang 15 pang pulis na nakatalaga sa Muñoz at Regional Public Saftey Battalion, nang dumaan ang limang lalaking lulan ng motorsiklo at tricycle, sabi ni Baglinit nang kapanayamin sa telepono.
Paparahin sana ng mga pulis ang mga sasakyan pero biglang bumilis ang takbo ng mga ito, binangga ang checkpoint signage, at pinaputukan pa ang isang alagad ng batas, aniya.
Dahil dito’y tinugis ng mga pulis ang dalawang sasakyan habang patuloy silang pinapaputukan ng mga armado, ani Baglinit.
Tinamaan ng bala ang patrol car ng mga pulis pero walang nasugatan sa hanay ng mga awtoridad, aniya.
Tinitiyak pa ng mga imbestigador ang pagkakakilanlan ng mga napatay bagamat may nakuhang ilang identification card sa mga ito.
Kabilang sa mga narekober ang limang kalibre-.38 revolver, isang itim na motorsiklo, at tricycle.
Narekober din ang isang driver’s license na nakapangalan sa isang Alfredo Parira Jr., ng Navotas City; company ID ng isang Harvey Igma, ng Tondo, Manila; at wallet na may voter’s ID ng isang Macario Dela Cruz.
Napag-alaman na si Dela Cruz, isang tricycle driver at miyembro ng Bantay Bayan sa Brgy. Bakal 3, Talavera, ang may-ari ng tricycle na gamit ng mga armado, ani Baglinit.
Hinihinalang ninakaw ng mga armado ang tricycle ni Dela Cruz, aniya.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.