Yaya Dub kay Jose bago hinimatay: ‘Kuya nahihilo ako!’
BILIB na bilib talaga ang mga dabarkads sa iba’t ibang panig ng bansa kina Jose Manalo at Wally Bayola, at maging sa Kapuso heartthrob na si Alden Richards.
E, kasi nga, sa kabila ng hindi inaasahang pangyayari sa kanilang kalyeserye sa Eat Bulaga kung saan bigla ngang hinimatay ang ka-loveteam ni Alden na si Maine Mendoza o mas kilala bilang Yaya Dub, ay nakuha pa rin nilang tapusin ang nasabing segment.
Ayon kay Wally, totoo ngang nawalan ng malay si Maine habang ginaganap ang live episode ng kanilang kalyeserye, partikular nga sa eksenang ikakasal na sila ng dalaga bilang sina Yaya Dub at Frankie Arinolli o ang tinawag na “YaKie Wedding”.
Bigla na lang daw nahilo si Yaya Dub at tumimbuwang nga habang sila’y umeere. Ayon kay Jose nang ma-interview ng 24 Oras Weekend, “Bumulong sa akin si Yaya Dub na, ‘Kuya, nahihilo ako.’ Sabi ko sa kanya, ‘Totoo ba ‘yan?’ Maya-maya hinawakan na niya ako.
Tapos naramdaman ko yung pisil niya. “Nu’ng tingnan ko siya, maputla yung bata. Tapos biglang bumagsak na siya. Siguro dahil sa pagod din. Nabigla siya sa daigdig ng showbiz,” sey pa ni Jose.
Mabilis naman daw na umaksiyon ang mga marshall sa location at isinugod na si Maine sa ospital. Dito na nga naiwan sa eksena sina Jose, Wally Bayola (bilang si Lola Nidora) at Alden.
Ayon kay Jose, umisip sila agad ng magiging ad lib nila para hindi mag-alala ang manonood. Impromptu raw ang ginawang pagwawala ni Alden at ang naging confrontation scene nito kina Frankie, Lola Nidora at mga bodyguards nito, “Tutal wala naman tayong script, ang gawin na lang natin ay itawid natin ito nang maayos.
Kailangan hindi mag-panic ang mga tao sa mga nangyayari.” In fairness, hindi lang ang mga followers ng AlDub ang nag-alala sa nangyari kay Maine, kundi pati na rin ang mga Kapuso celebrities na tumututok sa kalyeserye ng Eat Bulaga.
Bumaha ng “get well soon” greetings sa social media para kay Yaya Dub. Matapos namang mabigyan ng first aid treatment, nag-post agad si Maine ng mensahe sa kanyang Instagram account na maayos na ang kanyang lagay at “alive and still kicking” pa rin siya.
Pahabol pa ni Yaya Dub sa kanyang post, tuwang-tuwa siya dahil hindi natuloy ang kasal nila Frankie pero ikinalungkot naman niya na hindi pa rin sila nagkita ni Alden.
Abot-langit din ang pasasalamat ng AlDub dahil naging number one trending topic nga sa Twitter worldwide at sa Philippines ang #AlDubWeBelongTogether noong Sabado.
Hirit naman ni Jose, kailangan daw abangan ng AlDub fans ang mga susunod pang eksena dahil hinding-hindi raw niya isusuko si Yaya Dub kay Alden, “Kahit nasa ospital si Yaya Dub at nagpapagaling, kahit ano ang mangyayari, itutuloy ni Frankie ang kasal niya kay Yaya Dub!”
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.