Balibestre waging muli ng gintong medalya sa Palaro long jump
BUMALIK si Jose Jerry Balibestre Jr. upang mapanalunan uli ang gintong medalya sa secondary boys’ long jump at tulungan ang Western Visayas sa pagwalis sa unang tatlong medalyang pinaglabanan sa 2015 Palarong Pambansa athletics kahapon sa Davao del Norte Sports and Cultural Complex sa Tagum City.
Ang 16-anyos na si Balibestre Jr. ay nagtala ng career-best 7.15 metrong marka sa ikaanim na attempt para maduplika ang paghablot ng gintong medalya noong 2014 sa Laguna.
“Alam ko pong mananalo ako rito dahil talagang naghanda ako at gusto kong ma-defend ang title ko,” wika ni Balibestre, may taas na 5-foot-5 at hinigitan ang 7.08m marka noong nakaraang taon.
Nagtapos ng pag-aaral sa Ramonito Maravilla Sr. National High School sa Bacolod City bilang isang salutatorian, si Balibestre ay nangibabaw uli kay Martin James Esteban ng Central Luzon at kababayang si Cesar Fernandez.
Si Esteban ay may 6.96m marka para sa ikalawang sunod na pilak habang si Fernandez ay nakapagtala ng 6.75m para sa tansong medalya.
Ito lamang ang event ni Balibestre sa kompetisyong idinaos sa unang pagkakataon sa Davao del Norte dahil sa suporta ni Governor Rodolfo del Rosario katuwang ang Tagum Agricultural Development Company Inc. (TADECO), Damosa Land, Davao Packaging Corporation (DPC), Davao International Container Terminal, Inc. (DICT) at Pearl Farm Beach Resort.
Ito ay dahil tutulak siya patungong Doha, Qatar sa Mayo 6 para sumali sa Asian Youth Athletics Championship na isang qualifying event para sa World Youth Athletics Championship sa Cali, Colombia mula Hulyo 15 hanggang 19.
“Kailangan ko maka-jump ng 7.20m para maka-qualify sa World Championship. Kaya ko iyan dahil naka-7.15 na ako ngayon,” may kumpiyansang pahayag ni Balibestre na nasa ikalimang international tournament na matapos manalo sa Palaro noong nakaraang taon.
Nagbunga rin ang pagsali nina John Christian Capasao at Matt Atanas ng nanalo sa secondary boy’s discus throw at elementary boy’s shot put.
Nagtala si Capasao, na isang Batang Pinoy medalist, ng 40.60m habang si Atanas ay nakapaglista ng 10.70m marka para magparamdam agad ang Western Visayas sa kahandaan na dominahin ang athletics.
Magpapahinga ang laro ngayon dahil sa isasagawang opening ceremony ngayong alas-4 ng hapon.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.