2012: Katapusan ng Daigdig; Pagkatapos ng baha, paano magugunaw ang mundo? | Bandera

2012: Katapusan ng Daigdig; Pagkatapos ng baha, paano magugunaw ang mundo?

- April 27, 2012 - 04:58 PM

Ni Bella Cariaso

(Una sa apat na bahagi) H

HINDI na bago sa atin ang mga bali-balita hinggil sa nalalapit na paggunaw ng mundo o end of the world. Ito ay sinasabing nakatala mismo sa Bibliya. Kung kailan, walang makapagsasabi nang eksaktong araw at taon.

Batay sa nakatala sa Bibliya, may mga pagkakataong ginunaw ang mundo dahil na rin sa kasamaan ng tao. Ang kwento hinggil sa Sodom at Gomorrah ay nababanggit sa Book of Genesis at kalaunan ay idinitalye sa Hebrew Bible, Ang Bagong Tipan at maging sa Koran.

Base sa Torah, ang kaharian ng Sodom at Gomorrah ay may mga kaalyadong siyudad gaya ng Admah, Zeboim at Bela. Ang limang siyudad na ito na tinawag din na “cities of the plain” ay matatagpuan sa Jordan river plain sa southern region ng lupa ng Canaan.

Ang Jordan river plain na ngayon ay tinatawag na modern day Dead Sea ay ikinumpara sa Garden of Eden dahil sa pagiging sagana sa tubig at pagiging luntian nito na angkop para sa mga alagang hayop. Ang kautusan ni Yahweh ay ibinaba sa Sodom at Gomorrah, kasama ang dalawa pang kalapit na siyudad na kung saan tinapos ang mga ito ng apoy at nagbabagang bato.

Tanging ang Zoar lamang ang natirang siyudad sa araw ng paghuhukom. Sa paniniwala ng mga Kristiyano at Islam, ang Sodom at Gomorrah ay kasinghulugan ng pagiging makasalanan at ang galit ng Diyos. Ang Sodom at Gomorrah ay ginagamit din na matalinhagang salita para sa mga bisyo at sa pagiging homosexual. Bukod sa Sodom at Gomorrah, nariyan din ang kwento ng Noah’s Ark o Arko ni Noah. Ito ay nasusulat sa Book of Genesis at Koran. Sinasabi rito ang paggawa ng malaking arko ni Patriarch Noah mula na rin sa utos ng Diyos para iligtas ang kanyang sarili, pamilya at iba pang mga hayop mula sa napakalaking pagbaha.

Ipinakikita rito ang pagdurusa ng Diyos dahil sa kasamaan ng tao kaya nagpadala Siya ng malaking pagbaha para malinis ang mundo. Pinili ng Diyos si Noah para mabuhay at maipreserba ang mundo sa pamamagitan ng pamilya nito. Inutusan si Noah kung paano makakaligtas at kung paano gumawa ng arko.

Samantala, palaisipan pa rin sa mga dalubhasa ang totoong dahilan ng paglaho sa sibilisasyon ng mga dinosaur na sinasabing naganap 65 milyong taon na ang nakakaraan. Sa ngayon, may mga iba’t-ibang teorya kaugnay ng pagkaubos ng mga dinosaur.

Ayon sa ilang scientist, ang nararanasang climate change, kasama na ang pagbaba ng lebel ng oxygen ang naging dahilan pg pagkamatay ng mga dinosaur at iba pang species. Ang isang teorya naman ng pagkaubos ng dinosaur ay ang sa asteroid collision.

Hindi naman sigurado ang mga scientist kung dumarami o pakonti na ang mga dinosaurs nang mangyari ang asteroid collision 65 milyon na ang nakakaraan.

Bukod sa asteroid collision at climate change, isa pang sinasabing teoryang dahilan ng pagkaubos ng dinosaur ay ang pagsabog ng bulkan na naganap 68 milyon na ang nakakaraan na nagtagal ng dalawang milyong taon. Sa harap na rin ng mga tanong kung kailangan nga ba mangyayari ang pagkagunaw ng mundo, may mga pangyayari naman na maaaring maging hudyat nito.

Isa na rito ang mga bagay na gawa ng tao na maaaring maging banta sa mundo. Kasama rito ang biotechnology o paggamit ng nuclear warfare na magreresulta sa pagkaubos ng sibilisasyon. Sinasabing maaaring makaimbento ang mga scientist ng teknolohiya na aksidenteng magpapagunaw ng mundo at ng solar system. Sinasabi rin na ang artificial intelligence ay maaaring magdulot ng trahedya sa mundo kagaya ng mga computer at robots na maaaring manakop sa sangkatauhan, na ngayon ay napapanood lamang sa mga palabas sa sine.

Isa ring pinangangambahan ay ang epekto ng climate change na kung saan magiging kapareho na ng mundo ang klima sa Venus, na kung saan hindi na ito maaaring tirahan ng tao na magdudulot ng katapusan ng sibilisasyon. Bukod pa rito, itinuturing banta sa mundo ay ang global pandemic. Inihalimbawa ang sakit na HIV/AIDS na maaaring mag-mutate at makahawa kagaya ng isang ordinaryong trangkaso.

Lumalaki rin ang pangamba kaugnay ng ice age na kung saan nagiging yelo ang maraming bahagi ng tubig ng mundo. Maaaring napapanood lamang natin ngayon ang alien invasion sa mga pelikula ngunit may mga sinasabing insidente na ng mga nakikitang unidentified flying objects (UFO) sa iba’t-ibang bahagi ng mundo bagamat hanggang ngayon ay hindi maipaliwanag ng mga mga otoridad.

Sinasabing ang alien invasion sa mundo ay magreresulta ng pagkaubos ng tao. Isa pang banta sa mundo ay ang meteorite impact o pagtama ng mga malalaking asteroids sa mundo na magreresulta ng pagsabog nito.

(Abangan bukas: Prediksyon ilang beses nang pumalya, maniniwala ka pa ba?)

Your subscription could not be saved. Please try again.
Your subscription has been successful.

Subscribe to our daily newsletter

By providing an email address. I agree to the Terms of Use and acknowledge that I have read the Privacy Policy.

Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.

Your subscription could not be saved. Please try again.
Your subscription has been successful.

Subscribe to our newsletter!

By providing an email address. I agree to the Terms of Use and acknowledge that I have read the Privacy Policy.

What's trending