Listahan ng atleta para sa SEA Games di pa kumpleto
NASA kalagitnaan na ang buwan ng Enero pero hindi pa rin nakukumpleto ang pagsusumite ng talaan ng mga posibleng atleta ang mga National Sports Associations (NSAs) na sasali sa 2015 Singapore Southeast Asian Games sa Hunyo.
Ipinaalam ni Philippine Olympic Committee treasurer at SEAG Chief of Mission Julian Camacho ang bagay na ito sa pagdalo sa unang PSA Forum sa taong 2015 kahapon sa Shakey’s Malate.
Aniya, noon pang Enero 7 dapat ang deadline sa pagsusumite ng mga posibleng panlaban ng bansa pero kalahati pa lamang sa 33 NSAs na lalaro sa SEAG ang nakapagbigay ng pangalan.
“We have submitted to the Singapore SEA Games organizers our entry by number made up of more of less 700 athletes. The deadline for participating NSA to submit their proposed athletes was last January 7 but so far, kalahati pa lamang ang nag-comply.
Hopefully we can finish this this week,” wika ni Camacho. Sa Enero 21 ay mag-kakaroon ng POC Executive Board meeting at balak ni Camacho na ipakita sa Board ang unang listahan para mabasa ng ibang opisyales.
Pakay ng Pilipinas na makabangon mula sa ikapitong puwestong pagtatapos noong 2013 Myanmar SEAG nang manalo ito ng 29 golds, 34 silvers at 38 bronze medals.
Tiwala si Camacho na kaya ng bubuuing koponan na makabawi sa Singapore at makuha ang hindi bababa sa ikalimang puwesto.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.