Bryant naungusan si Jordan sa NBA all-time scoring list
NAUNGUSAN ni Kobe Bryant si Michael Jordan para sa ikatlong puwesto sa NBA scoring list at gumawa ng 10 puntos sa huling minuto para pamunuan ang Los Angeles Lakers sa 100-94 pagwawagi kontra Minnesota Timberwolves sa kanilang NBA game kahapon.
Kinailangan lamang ni Bryant ng siyam na puntos para malampasan si Jordan, ang basketball icon na kinukumpara sa kanya, at nagbuslo siya ng dalawang free throws may 5:24 ang nalalabi sa ikalawang yugto para makasama sina Kareem Abdul-Jabbar at Karl Malone sa NBA career scoring podium. Si Bryant ay nagtapos na may 26 puntos mula sa 7-for-20 shooting at tumira ng 3-pointer may isang minuto ang natitira sa laro para selyuhan ang panalo ng Lakers.
Si Shabazz Muhammad ay gumawa ng 28 puntos at siyam na rebounds para sa Timberwolves.
Thunder 112, Suns 88
Sa Oklahoma City, kumamada si Russell Westbrook ng 28 puntos, walong assists at walong rebounds habang si Kevin Durant ay nagdagdag ng 23 puntos at walong rebounds para sa Oklahoma City Thunder na nanalo ng anim na sunod na laro matapos tambakan ang Phoenix Suns.
Itinala ni Westbrook ang ikawalong diretsong laro kung saan umiskor siya ng 20 puntos, limang rebounds at limang assists matapos magbalik mula sa kanyang hand injury. Sa halftime ay mayroon na siyang 24 puntos, limang rebounds at anim na assists subalit kinapos sa pagkuha ng ikasiyam na career triple-double.
Bunga ng panalo, ang Oklahoma City — na sinimulan ang season sa 3-12 karta — ay dumikit ng kalahating laro para sa ikawalong puwesto sa Western Conference. Ang Thunder, na nakasama sina Westbrook at Durant matapos mawala sa halos unang bahagi ng season bunga ng injury, ay nagwagi sa walo sa huling siyam na laro at umangat sa 11-13 kartada.
Pinamunuan ni Gerald Green ang Phoenix sa kinamadang 15 puntos. Ang Suns ay natalo ng limang sunod na laro para mahulog sa 12-13 karta.
Warriors 128, Pelicans 122 (OT)
Sa New Orleans, kinamada ni Stephen Curry ang walo sa kanyang 34 puntos sa overtime para tulungan ang Golden State na manalo ng 16 diretsong laro matapos maungusan ang New Orleans.
Si Klay Thompson ay nag-ambag ng 29 puntos para sa Warriors, na ang franchise-long winning streak ay kinabibilangan din ng club-record 10 straight road victories.
Si Tyreke Evans ay umiskor ng 34 puntos para pangunahan ang Pelicans subalit nag-foul out may tatlong minuto ang nalalabi sa overtime.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.