IPINAKITA ni Hagdang Bato ang kayang gawin kung nasa pinakamagandang kondisyon nang ilampaso ang mga nakalaban kasama ang mahusay na imported horse na si Crucis sa 2014 Philracom Ambassador Eduardo M. Cojuangco Jr. Cup kahapon sa San Lazaro Leisure Park sa Carmona, Cavite.
Diniskartehan uli ni Jonathan Hernandez, inilabas ni Hagdang Bato ang pinakamabangis na porma na nakita sa huling mga taon nang walang kapaguran na inatake ng inatake ang pista upang manalo ng mahigit 10 dipang agwat sa 2,000-metro karera.
Hinirang na outstanding favorite sa anim na naglaban pero lima ang opisyal na bilang, tinapos ng Hagdang Bato ang makalaglag-pusong karera sa pamamagitan ng tatlong 25’ tiyempo tungo sa 2:04.6 tiyempo (25, 23, 25’, 25’, 25’).
“Limang taon na ang kabayo, matanda na siya at on-and-off ang takbo niya. Pero ito ang pinakamahalagang karera para sa akin dahil naipakita ni Hagdang Bato na siya ang pinakamahusay sa local at imported horses,” wika ni Mandaluyong City Mayor Benhur Abalos.
Si Congressman Henry Cojuangco ang siyang kumatawan sa dating Ambassador at siyang naggawad ng tropeo kay Abalos.
Ang panalo ay nagkahalaga ng P1.2 milyon mula sa P2 milyon premyo na isinahog ng nagtaguyod na Philracom sa pangunguna ng kanilang chairman na si Angel Castano Jr.
Papalo na sa P3.6 milyon ang kinita ni Hagdang Bato at senyales ito na handang-handa na para sa pagtakbo ng Presidential Gold Cup sa pangalawang linggo ng Disyembre.
Si Crucis na sakay ni Kevin Abobo ay naubos nang sabayan ang malakas na ayre ni Hagdang Bato para malagay sa pangatlong puwesto lamang.
Nakasingit pa si Strong Champion sa pagdadala ni Pat Dilema habang si My Champ ni Dan Camanero ang kumumpleto sa datingan.
Halagang P450,000 ang napunta sa connections ni Strong Champion na isang Australian horse tulad ng anim na taong si Crucis na may P250,000 premyo. Si My Champ ang nagbulsa ng P100,000.
Sina King Samer at Lady Pegasus na magka-stablemate ang kumumpleto sa datingan.
Humakot ng P802,488 sales mula sa P916,167 sa Daily Double, ang panalo ni Hagdang Bato ay nagkaroon lamang ng P5 dibidendo habang P14 ang inabot pa sa 6-1 forecast.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.