Maraming pumipilit na pasukin niya ang politika
DEDMA na lang si Dingdong Dantes sa lahat ng mga pang-ookray at pang-iinsulto na natatanggap niya dahil sa pagkaka-nominate niya sa Best Actor category ng Golden Screen Awards ng EnPress for “Segunda Mano”, pati na rin sa PMPC Star Awards for Movies.
Ayon kay Dingdong naiintindihan daw niya ang sitwasyon, hindi naman daw lahat ay mapi-please niya, ang importante ay nararamdaman niya ang suporta ng mga tao sa kanyang career at sa iba pa niyang mga proyekto.
Sabi pa ng boyfriend ni Marian Rivera, okay lang daw na binabatikos siya ng ilan sa pagkaka-nominate niya bilang Best Actor, malaya naman daw ang lahat na magbigay ng komento at opinyon tungkol sa isang artista.
For as long as hindi raw below the belt, wala raw problema kay Dingdong, rerespetuhin pa rin daw niya ang kanyang mga kritiko.
Dagdag pa ng aktor, mas importante pa rin daw ang mga natatanggap niyang papuri at pagbati sa mga taong patuloy na naniniwala sa kanya.
Samantala, kumalat naman ang chika na may plano raw si Dingdong na tumakbo bilang senador sa susunod na eleksiyon.
Marami raw kasi ang kumukumbinse sa Kapuso aktor na sumabak na sa politika.
“Lagi kong sinasabi, feeling ko okay na muna ako sa pagiging aktor, sa showbiz, and up to this time, hindi pa rin nagbabago ‘yun,” paglilinaw nito.
Anyway, happy ang buong production ng primetime series na My Beloved nina Dingdong at Marian dahil patuloy pa rin itong humahataw sa ratings.
Sabi nga ni Dingdong, mas lalo pa raw nilang pinagbubuti ang kanilang trabaho sa My Beloved para mas mapasaya nila ang kanilang supporters.
At sa lahat ng sumusubaybay dito, ngayong gabi, malilito si Benjie (Dindong) sa napasukang gusot.
Alam niya na inosente sa krimeng binibintang sa kanya pero wala siyang magawa upang paniwalain ang lahat.
Upang maintindihan pang lalo ni Benjie ang kasalukuyang sitwasyon ay sasamahan niya si Rowan sa impiyerno.
Maghaharap na nga ang kaluluwa ni Arlan at Benjie!
Sa pagbabalik ni Arlan sa katawan ni Benjie ay yayakapin na niya ang kapalaran niya simula ngayon.
Kaakibat ang nakaraan ng buhay ni Benjie ay susubukan ni Arlan na itama ang lahat ng kanyang pagkakamali.
Sisimulan niya ito sa pag-ako sa pagkapatay kay Junic.
Hindi naman hahayaan ni Emmie na mahuli si Arlan.
Magiging mas agresibo siyang pigilan si Benjie sa binabalak.
Hanggang kailan niya kaya maitago si Benjie sa kamay ng batas?
Ngayong durog ang puso ni Sharina kay Benjie ay nasa tabi niya si Nelson.
Malaki pa rin ang pag-asa ng binata na mapansin ni Sharina ang pagmamahal niya sa kanya.
Gagawin niya ang lahat para tulungan sina Sharina na makulong si Benjie.
Samantala, malakas naman ang kutob ni Inggay na may nagmamanman sa kanila upang matunton si Benjie.
Si Rico naman ay may ibang kinakatakutan. Ang mahuli ni Gimo na tinatago niya si Grace sa kanilang bahay!
Mapapanood ang My Beloved sa GMA Telebabad pagkatapos ng Biritera.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.