ALAS-4 pa ng madaling araw noong Biyernes, suspendido na ang mga klase sa QC, Marikina at Rizal province (Congrats, Bistek, Del de Guzman at Gov. Nini Ynares) kahit walang nakataas na storm signal kay Tropical strom Mario.
Nagtaka ako noon kung bakit tatlo pa lang ang nagsuspinde gayong alas-9 Huwebes ng gabi, nakataas na ang Yellow rainfall warning sa Metro Manila.
Pasado alas-5:30 na ng umaga, wala pa ring Metro Mayor na nagsuspinde ng klase kahit itinaas na sa Orange rainfall warning na ang ibig sabihin ang moderate to heavy ang pag-ulan.
Inabutan ko pa sa mga lansangan habang papunta ako sa Radyo Inquirer ang mga basang-basang mga estudyante ng Makati, Pasig at Maynila.
Nagsimula na ang Banner Story (DZIQ990AM) namin ni Arlyn de la Cruz saka lang isa-isang nagsuspinde ng klase ang mga alkalde na ang pinakahuli ay ang Makati City at Pasig.
Pero, nasapawan ang lahat nang si Executive Secretary Paquito Ochoa na ang nag-anunsyo ng class suspension sa lahat ng antas, pampubliko at pribadong paaralan sa Metro Manila at karatig lalawigan. At siyempre uwian at balik ulan ang mga estudyante.
***
Alas-7 ng umaga nang itaas ng Pagasa ang Red rainfall warning (heavy to intense) at dito, pasukan naman sa mga trabaho, pribado at government offices ang naging isyu.
Nauna ang Korte Suprema at mga hukuman, at mag-aalas otso na nang magdeklara ang Malakanyang sa suspensyon sa mga governmentt offices sa MM at mga lalawigang nasa ilalim ng Red warning.
At siyempre, basang-basa at stranded na naman ang mga empleyadong maagang umalis ng bahay.
***
Malinaw na sa akin na kapag walang storm signal, kahit bumubuhos ang ulan ay natutulog lagi sa pansitan ang mga LGUs natin pati Malakanyang.
Mabuti na nga, meron nang mga rainfall warning signals ngayon ang Pagasa, para abisuhan tayong lahat sa babagsak na ulan.
Pero,tila hindi nakikinig ang mga alkalde ng Kamaynilaan, mga gobernador at mismong ang Malakanyang na siyang nagisyu ng Executive Order tungkol dito.
Malakas na ang buhos ng ulan Huwebes ng gabi pa lang, at pwede namang mga local officials o mga tao nila ang nakipag-usap o coordinate sa Pagasa para malaman kung darating pa ang malalakas na ulan sa kani-kanilang lugar. Pero, naghintayan pa sila ng panibagong advisory mula sa Pagasa bago mag-alas-6 ng umaga, at saka kumilos.
***
Ano ba ang isinasaad ng Exec. Order 66 na inisyu ni PNoy noong Jan 9, 2014 para sa class at work suspensions kung walang storm signals?
SECTION 2 PARAGRAPH 2:”Announcements will be made not later than 4:30 AM of the day of the intended cancellation of classes and work, or not later than 11:00 AM for suspension of work and classes in the afternoon session, through diverse mass media, particularly radio and television, landline communications and other technologies for communication within the community or locality”.
Maliwanag ang sabi: bago mag 4:30 ng umaga dapat may anunsyo na. Bakit mag-aalas-6 na nang nagdeklara ang mga mayor at pati Malakanyang sa mga klase? Pati work suspension, halos alas-8 na inanunsyo?
Anyare?
Malakanyang! Sarili ninyong Executive Order 66, nilalabag ninyo?
Metro Manila mayor, 4:30 a.m. po ang regulasyon, hindi alas-6 ng umaga. Bakit kaya? Napuyat si mayor o natutulog sa pansitan ang mga tao ninyo, habang lunod na sa baha ang mga mamamayan?
Sabi nga noon, Hoy, gising!
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.