Bagong putahe ng Pinoy celebrity chef | Bandera

Bagong putahe ng Pinoy celebrity chef

Ige Ramos |August 04,2014
facebook
share this

Bagong putahe ng Pinoy celebrity chef

Ige Ramos - August 04, 2014 - 03:00 AM


Sarap ng pinagsanib na lasa ng Continental cuisine at kinagisnang lutuing Pilipino na may kakaibang estilo ang bubulaga sa iyo sa bagong restaurant na pinamamahalaan ni Chef Bruce Lim, ang Rustique Kitchen.

Si Lim ay isang Fil-Am chef na sumikat sa mga cooking shows sa Asian Food Channel sa cable TV. Kasama ang may-ari ng restaurant na si Tony Boy Cojuangco, binuo ni Lim ang natatanging konsepto para ipaabot sa mga parokyano nito ang mga hindi-pangkaraniwang pagkain.

Ayon kay Cojuangco, ang handog nilang pagkain ay “comfort food na may Filipino twist.” Bilang executive chef, inaangat ni Lim ang antas ng mga katutubong sangkap tulad ng danggit at kesong puti upang gumawa ng mga malikhaing lutuin na ang inspirasyon ay nakuha mula sa mga Pranses.

“Ang alay naming pagkain ay mga pagkaing nakakapagbigay ginhawa,” paliwanag niya. “Wala kaming balak takutin ang aming mga customer.  Gusto naming maging komportable sila na para lamang silang kumakain sa loob ng kanilang tahahan.”

Sa pamamagitan ng mga patikim mula sa ilang mga item sa menu para sa tanghalian, agad kaming namangha sa ganda ng pagkakaayos sa plato ng mga ito at ang taglay nitong sarap.

Alam ni Lim ang kanyang sangkap at diskarte sa pagluluto. Matalino ang pagbabalangkas niya sa pagpapares-pares ng ulam.
Nagsimula ang piging namin sa mga pampagana na umikot sa buong bulwagan.

Bumida ang “Good ole burger and carnival,” ang maliit pa sa mini hamburger na gawa sa inihaw na beef patty na may Swiss cheese at homemade buns.

Wagi rin ang “Tuna and salmon tartar,” na parang kinilaw na isda. Tinampukan ito ng sashimi-grade tuna at sa ibabaw nito ay pinong pagkatadtad sa sariwang salmon.

Hindi papahuli ang tortang talong na may ginisang giniling na baboy at itlog na mayroong mga hiniwang itlog na maalat na nagbibigay ng kakaibang dimensyon ng panlasa sa torta.

“Gobble gobble en crute” naman ay hinurnong hamon pabo na may maliliit na hiwa ng mansanas at mango cream cheese na tinampukan ng alfalfa sprouts.

Para sa sopas, hinainan kami ng “Crab bisque,” isang uri ng sopas na komplikadong gawin na sinangkapang ng brandy at may kasamang brioche, isang uri ng tinapay.

Para sa mga main course natikman namin ang oxtail kare-kare o buntot ng baka na niluto nang mabagal sa sabaw ng mani, na may kasamang ensaladang tripa o mindonggo na maaaninag ang lasa ng bagoong.

Samantala, ang pangalawang main course ay ang “Fish Market” o tatlong uri ng lamandagat na makasining ang pagsasaplato.
Ito ay ang marble potato na nilahukan ng dilis, ang haricot vert o French green beans na may danggit,  at ang sariwang lapu-lapu na nakaluklok sa dahon ng saging na hinurno na may tanglad at sarsa ng kamatis.

May mga rekomendasyon din si Lim, tulad ng Ilocos corn chowder dahil matitikman mo sa sopas na ito ang langutngot ng bagnet.

O kaya naman ay ang pasta na may tulya na ginisa sa mga aromatikong gulay, sibuyas Tagalog at pinasubuhan sa lambanog at white wine.

Ang hindi namin malilimutan ay ang panghimagas–ang signature buko pie ni Lim na mainit at nakalagay sa isang kopa.
Matatagpuan ang Rustique Kitchen ni Chef Bruce Lim sa unang palapag ng Leelin Building sa kahabaan ng A. Arnaiz ave. (dating Pasay Road).

Sila ay bukas araw-araw mula alas-12 ng tanghali hanggang alas-3 ng hapon  para sa tanghalian at  alas-6 a hanggang alas-10 ng gabi para sa hapunan.

Bruce Lim: Boss ng Kusina
SI Bruce Lim ay isang Filipino-Chinese na ipinanganak at lumaki sa San Francisco, California. Chef at kilalang personalidad sa TV, mula sa kanyang palabas sa Asian Food Channel, dalubhasa siya mga lutuing Pranses, Europeano at Asyatiko.

Nagtapos siya mula sa Le Cordon Blue sa London at nagtrabaho sa ilalim ng mga batikang chef tulad nila Gordon Ramsey, Julie Walsh at Andrew Males.

Nang bumabalik sa Estados Unidos, muling nagsanay si Lim at hinasa ang kanyang kakayahan at nagtrabaho sa iba’t ibang mga hotel at restaurant, kabilang ang Hyatt Regency at Fish Hopper Restaurant sa Monterey, California, ang MGM Grand Hotel Casino sa Las Vegas, Nevada, at E & O Trading Company sa San Jose, California.

Kasama si Angel Aquino, naging host si Lim ng Tablescapes, isang show sa Asian Food Channel (AFC) kung saan ginalugad nila ang buong Pilipinas upang tuklasin ang mga kamangha-manghang katutubong lutuing Pilipino.

Sa kasalukuyan, siya ang host ng palabas na The Boss, na ine-ere rin sa AFC.

Your subscription could not be saved. Please try again.
Your subscription has been successful.

Subscribe to our daily newsletter

By providing an email address. I agree to the Terms of Use and acknowledge that I have read the Privacy Policy.

Kung may katanungan o mungkahi, mag text po lamang sa 09175861963. Huwag kalimutan ang pangalan at lugar.

Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.

What's trending