Makabuluhang piging para sa ika-100 kaarawan ni Helena Benitez | Bandera

Makabuluhang piging para sa ika-100 kaarawan ni Helena Benitez

Ige Ramos |July 14,2014
facebook
share this

Makabuluhang piging para sa ika-100 kaarawan ni Helena Benitez

Ige Ramos - July 14, 2014 - 04:45 PM

Noong nakaraang Hunyo 23 ay dinagsa ng mga kapamilya at kaibigan ang Mira Nila, ang ancestral home ng mga Benitez sa Quezon City, upang ipagdiwang ang ika-100 taong kaarawan ni Helena Benitez.

Sino si Helena Benitez?  Siya ay anak nina Dean Conrado Benitez ng Laguna, isa sa mga sumulat ng Saligang Batas noong 1935, at Francisca Tirona Benitez ng Cavite, isa sa mga nagtatag ng Philippine Women’s University, ang kauna-unahang pamantasan para sa mga kababaihan sa Asya.

Dating assemblywoman ng Cavite at senador, si Tita Helen ang isa sa mga nagtatag ng Girl Scouts of the Philippines, National Commission on the Role of Women at Bayanihan Dance Company ng Philippine Women’s University na ngayon ay kilala na bilang Bayanihan Philippine National Folk Dance Company.

Tunay na maningning ang pangalang Helena Benitez sa larangan ng edukasyon, kultural, sibiko at pulitika!

Makabuluhang piging
Nag-alay ang angkan ng mga Benitez at Tirona ng isang makabuluhang piging upang ipagdiwang ang kanyang kaarawan. Imbes na magarbong handaan na tinatampukan ng mga inangkat na pagkain mula sa ibang bansa, minarapat ni Lyca Benitez-Brown, pamangkin ni Tita Helen, ang punong-abala para sa pagdiriwang at pagkain, na pumili ng menu na tampok ang mga pagkain mula sa Laguna at Cavite, mga tubong lalawigan ng mga magulang ng birthday celebrator.

Naatasan naman na bumuo ng menu para sa piging si Amy Besa, ang batikang manunulat, may-ari ng Purple Yam Restaurant sa New York at Malate at pinuno ng Ang Sariling Atin Culinary Heritage Institute.

Masinsin ang naging pagpili ng mga tampok na pagkain sa handaan, kung saan ay nagkaroon din si Tita Helen ng aktibong interes dito. Bukod sa mga tampok na pagkain mula sa Timog Katagalugan, mayroon ding alay na empanada mula sa Vigan na ginawa ni Queenie Savellano ng Manag Q Empanada at ang inihaw na manok na pinalamanan ng karambuya na gawa ni Tina Papillon ng  Pamora Farm ng Abra, na sa paniniwala ni Besa ay sumasalamin sa mas malawak na tanawin sa panlasa at ang pagkakasundo at pagkakatugma nito mula sa hilaga hanggang sa katimugan ng Luzon.

Nangunguna sa mga nag-ambag at nagpakitang gilas sa pagkain si Chef Romy Dorotan, sa paggawa ng kakaibang inihaw na isda na may Burnt Coconut Cream Sauce. Ang sariwang isda na ginamit ay alay ni Gov. Al Tillah ng Zamboanga.

Mga katutubong talbos ng gulay na may tatlong panimpla o dressing na nilahukan ng kalamansi, dalandan at dayap ang ginawa naman ni Chef Joseph Galvez.

Mula sa Laguna, tampok ang Sinukmani at Kilawin, Kalumpit, Burong Mangga na inambag ng Casa San Pablo sa kagandahang loob ni Lavina Gomez Alcantara at An Mercado Alcantara.

Ang Ginataang Hipon ay nilikha naman nina Chef Theodore Day Salonga at Chef Mon Urbano ng MonDay Chef’s Restaurant Consultancy. Mula naman sa Cavite, ang Pancit Pusit na niluto ni Sonny Lua at Bernie Rojas ng Asiong’s, Cavite City.

Ang Menudo at Kesong Puti ay likha nina Thelma Ampil at Cynthia Sico ng Dasmariñas, Cavite. Mayroon ding Atsarang Sayote at Atsarang Papaya na galing kay Corazon Legaspi ng Imus, Cavite.

Sagana rin sa panghimagas at minatamis ang pagdiriwang. Bukod sa apat na piyeng birthday cake na obra ni Ginny Roces de Guzmán ng Gustare, tampok ang iba’t ibang kakanin na mula sa Cavite—Hopiang Sibuyas ng Beruete’s Bakery, San Antonio, Cavite City; Sapin-Sapin at Bibingka Samala Pinipig ng Pat and Sam’s, Cavite City at Turon na Saba na may Langka na may salsang Haleyang Sampalok ng Asiong’s.

Samantala, si Ian Carandang ng Sebastian’s ay nag-alay ng dalawang pagpipilian ng Ice Cream Pops: ang Davao tsokolate at Kinayod na buko.

Your subscription could not be saved. Please try again.
Your subscription has been successful.

Subscribe to our daily newsletter

By providing an email address. I agree to the Terms of Use and acknowledge that I have read the Privacy Policy.

Mga Barista mula kay  Steve Benitez ng Bo’s ay  nagprepara ng sariwang kape at tsaa, habang ang mga alak tulad ng Coffee Liqueur at Mango Rum Liqueur ay ambag ni Olive Limpe-Aw ng Destiliria Limtuaco.

Kung may katanungan o mungkahi, magtext po lamang sa 09175861936, isulat ang pangalan, edad at lugar.

Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.

What's trending