Mula Dekada ‘60 hanggang sa katapusan ng Dekada ‘70 ay naging tanyag ang restaurant na 7 Sisters na matatagpuan sa palaisdaan at talabahan ng Barrio Marulas, Kawit, Cavite.
Dinadayo ito ng mga artista, politiko at mga negosyante mula sa Maynila dahil sa sarap ng alay nilang pagkain. Dito sumikat ang mga putahe na tulad ng pinaputok na kitang, kung saan ang isda ay nilinis, inalisan ng bituka at hasang, hiniwa, pinalamanan ng tinadtad na sibuyas, kamatis at bawang, inasnan, tinahi ang tiyan, binalot sa dahon ng saging at saka prinito sa mantika.
Namimintog ang tiyan nito na halos pumutok na parang lobo, kaya tinawag tinawag itong pinaputok na kitang.Gayun din ang sinalab na bangus, na tulad ng kitang ay nilinis din at pinalamanan ng sibuyas, bawang at kamatis, binalot din sa dahon ng saging saka inihaw sa nagbabagang uling.
Upang hindi magtubig ang pinalamanang rekado, igisa muna ito nang bahagya bago ito ipalaman. Pinasikat din ng 7 Sisters ang mga tambalang ulam tulad ng sinigang na sugpo at inihaw na baboy; sinampalukang manok at halabos na hipon; sariwang talaba at pinasingawang tahong na sinasawsaw sa sukang maanghang.
Paminsan-minsan ay mayroon silang kapis, tambulog, at maliit na talaba na ang tawag ay kukong kabayo. May halaan na niluto sa luya na paghigop mo pa lang ng sabaw ay mapapawi ang iyong kapaguran.
Katapat nito ay ang mainit na kaning pula, kung saan nakilala at sumikat din ang 7 Sisters.May mga natatanging sawsawan din silang alay. Isa na rito ang kanilang bagoong alamang, na namumula ang kulay dahil sa angkak.
Ang angkak ay isang uri ng bigas na pula na may lebadura, na ginagamit bilang isang natural na pampakulay ng pagkain.
Kasama nito ay ang pinasingawang malakaumpit, o luntiang sampalok na halos wala pang buto.
Dinudurog ang malakaumpit kasama ng bagoong upang magkaroon ito ng kakaibang asim. Sa pagsapit ng Dekada ‘80 ay nagsimula na ang paglaho ng 7 Sisters bunsod ng pagbagsak ng ekonomiya, ang panganib na dulot ng red tide at kakulangan ng mga pangunahing sangkap at wala nang maangkat na pulang bigas.
Natatandaan ko pa noong kalagitnaan ng Dekada ‘80 ang mga pangunahing lansangan na patungong Cavite ay sira-sira kaya tinamad na rin lumuwas ang mga taga-Maynila na magtungo ng Cavite.
Sa kasawiang-palad ay tuluyang naglaho ang 7 Sisters. Ang kanyang dating puwesto ay nasagasaan na ng malaking highway, ang Kawit Exit ng CaviteX.
Bagamat wala na ang 7 Sisters, patuloy pa rin ang kultura ng pagluluto at industriya ng pagtatahong at pagtatalaba sa Barangay Marulas. Kamakailan ay nakapanayam ko si Aling Yoly Legaspi, kasama ang kanyang asawa na si Mang Elmer, nagmamay-ari sila ng isang pondahan ng tahong at talaba sa Tirona Highway sa mismong Marulas, Kawit, Cavite.
Ayon kay Aling Yoly, may halos 30 taon na silang nagbebenta at nagpapatubo ng tahong at talaba. Kapansin-pansin ang mga tinda niyang talaba dahil ito ay matataba, sariwa at sarili nilang palaki at inani sa kanilang pabiyayan at baklad.
May mga talaba at tahong na nasa kani-kanyang kabibi at ang iba naman ay talop na ang bentahan ay mula 70-100 piso kada timba.Napansin ko din ang mga talabang tinalupan na nakalagay sa mga bote ng ketchup.
Nalaman ko na ito pala ay sise o bagoong na talaba. Mayroon ding sise na gawa sa tahong. Ayon kay Aling Yoly, ang sise ay ipinakilala sa Cavite ng mga migranteng Bisaya, na siya nang humalili bilang pangunahing populasyon ng mandaragat at mangingisda sa Cavite.
Praktikal naman, ika niya, ang gumawa ng sise, dahil sa pag-aasin ng tahong at talaba, napepreserba ang mga ito at humahaba ang buhay. Para kay Aling Yoly, masarap kainin ang sise dahil parang kumakain ka lamang ng bagoong na isda.
Ngunit kung ikaw ay may agam-agam, maaari naman itong igisa sa sibuyas, kamatis at bawang na parang bagoong. Bukad sa sise, nagbebenta rin si Aling Yoly ng suka na gawa sa kaong na nagmula pa sa Indang, na siyang ginagamit niya kapag nagluluto siya ng adobong tahong.
Bukod pa rito ang mga talaba at tahong na hindi niya naibenta ay ginagawa niyang palaman para sa lumpiang Shanghai at tortang talaba.
Naging aktibo rin si Aling Yoly sa mga bulungan, isang bilihan at subastahan ng mga isda sa mga malalaking palengke tulad ng sa Cavite at Parañaque. Sa mahigit na 30 taon, binuhay ng mag-asawang Legaspi ang kanilang pamilya sa simple at marangal na pamumuhay.
Tinanong ko sa aking ama kung bakit Baclaran ang tawag sa naturang lugar. Ang kanyang kasagutan, dahil noong araw, sa dalampasigan ng Baclaran ay maraming lambat na nakasabit at sa kanyang karagatan ay matayog na nakatayo ang mga baklad.
Ang baklad ay isang sistema ng paghuhuli ng isda na gawa sa kawayan, kung saan ang disenyo niyo ay naaayon sa agos ng tubig at kapaligiran.
Maaari rin itong gamitin bilang kural, kung saan maaaring maglagay ng punla o semilya ng isda, at sa loob na ito ng baklad lalaki at di na makakatakas.
Kaya ang lugar ay nakilala bilang bakladan, ang lugar ng mga baklad, na kinalaunan ay naging Baclaran. Sa ngayon, marami ka pa ring baklad na matatanaw sa Bacoor Bay, makalampas lamang ng Baclaran.
Sina Aling Yoly ay may inuupahang baklad na kung saan ginagamit nila itong pabiyayan, o sabitan ng mga bitin, isang metrong panali na may kabibi ng talaba, kung saan nilalagak ang semilya.
Kapag may kati o low-tide ay makikita mo ang mga nakasaksak na bitin at naghihintay ng isa hanggang dalawang buwan bago ito anihin.
Nakakatuwa, dahil sa modernong panahong ito, mayroon ka pa ring makikitang tradisyonal na kabihasnang pagsasaka ng talaba. Sa Marulas, kung saan ang daan ay madulas, na may bakladan, tulad ng sa Baclaran.
Kung may mungkahi, reaksyon o katanungan, mag-text po lamang sa Smart: 0947 693 0231 at sa Globe/TM: 0936 591 6380. Huwag kalimutan isulat ang pangalan at lugar. Salamat po.
Tortang talaba
Mga Sangkap
4 na itlog
1 tasang talaba (talop na)
1 tasang dinikdik na biscocho
1 sibuyas, tinadtad na pino
1 maliit na bingkos na dahon ng sibuyas na mura, hiniwa nang pino
1 maliit na bungkos ng kinchay, tinadtad
Mantika na pamprito
Asin at paminta bilang pampalasa
Paraan ng Paggawa
Paghiwalayin ang puti at pula ng itlog. Batihin ang puti ng itlog hanggang sa ito ay bumula at mag-malatubig.
Batihin ang pula ng itlog ng mabuti. Paghaluin ang mga binating itlog.
Idampi ang mga talaba sa biscocho. Siguraduhing nababalot ito. Isawsaw sa binating itlog at ibalik muli sa biscocho.
Ihalo ang lahat ng sangkap at gamit ang maliit na sandok, sumalok ng may lahok na tatlong talaba at saka prituhin sa katamtamang init na mantika.
Kapag ginintuang moreno na ang kulay, baligtarin ito at patuloy itong lutuin.
Hanguin mula sa kawali at ilagay sa ibabaw ng kitchen paper upang masipsip ang labis na mantika.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.