SANTA Cruz, Laguna — Ibinaon sa limot ni Bryan Jay Pacheco ng Central Luzon ang mapait na pagkatalo sa secondary boys shotput noong isang taon sa Dumaguete City nang gumawa ito ng bagong record sa 2014 Palarong Pambansa athletics competition sa Laguna Sports Complex.
Noong Linggo ng gabi ginawa ang aksyon at naihagis ng 17-anyos na tubong Baler, Aurora ang iron ball na may bigat na 6 kilograms sa layong 15.32 metro.
Tinabunan ng markang ito ang dating record na 13.90 metro na ginawa ni Richa Jey Cabanyug ng Western Visayas noong 2012.
Ang mga nanalo ng silver at bronze medals na sina Ronmols Andaya ng Zamboanga Peninsula at Wendell Llames ng host Calabarzon ay nahigitan din ang dating record sa itinalang 14.46m at 14.07m marka.
Pinahubad muna kay Pacheco ang suot na training shoes bago isinagawa ang ikaanim at huling attempt na siya ngayong record ng kompetisyong itinataguyod ng Laguna.
“May competition shoes lahat ng atleta pero walang nagkasya kay Bryan kaya training shoes ang ginamit niya. Ang competition shoes niya kagabi (Linggo) rin lamang dumating at binili pa sa Manila,” wika ng athletics coach na si Lamberto Nicolas.
Ito na ang ikalawang Palaro record ni Pacheco dahil hawak din niya ang marka sa javelin throw (700 grams) na 57.81-metro na ginawa noong nakaraang taon.
Magkakaroon ng pagkakataon ang nasa huling taon ng pagsali sa Palaro na si Pacheco na maibulsa ang pangalawang ginto sa pagdepensa sa javelin event ngayong umaga.
Dalawang ginto na ang dapat ang nakuha ni Pacheco noong 2013 dahil nangunguna na siya sa shotput papasok sa huling throw sa 13.37m marka. Pero nadisgrasya siya ni Renzy John Gemolaga ng Western Visayas na nakagawa ng 13.65m.
Ang iba pang nanalo na ay sina Jose Jerry Belibeistre Jr. ng Western Visayas sa boys long jump sa 7.08m at si Zeanne Cabrera ng host Calabarzon sa secondary girls javelin throw sa 40.31m marka.
“Ang aksyon kahapon ay sinimulan dakong alas-3 dahil isinagawa sa umaga ang opening ceremony na kung saan ang dating Pangulo at ngayon ay Alkalde ng Manila Joseph Estrada ay naging bisita.
“Nawa’y ang ginawang pagtayo bilang punong-abala ng Laguna sa Palarong Pambansa ay makatulong para makadiskubre na ang bansa ng magiging gold medalist sa Olympics.
“Senior Citizens na kami pero hanggang ngayon ay wala pa tayong ginto sa Olympics,” wika ni Estrada na pamangkin si Laguna Gov. ER Ejercito.
Hindi nakadalo sa opening ceremony sina boxing champion Manny Pacquiao at PBA star James Yap pero pumunta sina Rain Or Shine rookie Jeric Teng, Palaro veteran at ngayon ay TV personality Enchong Dee at Sochi Olympian Michael Martinez.
( Photo credit to inquirer news service )
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.