Hula ni Greenfield (Bandera resident psychic): Dolphy at Germs, target ng Dragon
Ni Joseph Greenfield
Bandera resident psychic
Ikaapat na serye
HINDI makaliligtas sa nagliliyab na bunganga ng Dragon ang mga panunahing bituin sa showbiz.
Pagbungad ng taon, sa buwan ng Enero hanggang Abril, isang sikat na director at producer ang aatakihin sa puso at mamatay. Sa pangyayaring ito, biglang magkakaisa at magluluksa ang buong industriya, magaganap sa petsang 6, 15, 24, 1, 10, 19, at 28, sa araw ng Huwebes, Biyernes at Sabado.
Si Dingdong Dantes na tinanghal bilang best actor ay dadaluhungin ng nagliliyab na bunganga ng Dragon, sa Enero hanggang Abril sa petsang 4, 13, 22, 31, 7, 16, 25, 9, 18, at 27, sa araw ng Martes, Biyernes at Sabado, habang bumibiyahe sanhi ng aksidente.
Bagamat malulusutan ang tiyak na kamatayan, malaking pinsala ang matatamo niya sa ilang bahagi ng katawan.
Si Maricel Soriano na tinanghal bilang best actress ay unti-unti na uling sisikat at makababalik sa dating pedestal na kanyang pinagmulan bilang diamond star, ngunit sa kasagsagan ng kanyang muling pagbabalik sa showbiz, dadaluhungin siya ng Dragon.
Kung hindi mag-iingat, manganganib siyang magkasakit at maratay dahil sa “mammary glands at circulatory system.” Ito ay magaganap sa buwan ng Pebrero hanggang Mayo sa mga petsang 8, 17, 26, 1, 10, 19, at 28, sa araw ng Biyernes, Sabado at Linggo.
Magluluksa ang industriya sa pagpanaw ng Comedy King na si Dolphy, ngunit bago mangyari ang kanyang pagpanaw, itatanghal muna siyang National Artist sa larangan ng pag-arte at sining.
Si Eddie Garcia ay unti-unting mananahimik sa taon ito, habang ang paggawa ng pelikula ay magiging libangan na lang, at kung patuloy siyang magiging aktibo sa kanyang propesyon, ang nagliliyab na bunganga ng Dragon ang magpapagupo sa kanyang kalusugan, hanggang sa mabalitaan ang biglang pagkakasakit at pagkahapo ng katawan.
Bukod kay Dolphy, posibleng pumanaw na rin nang biglaan si German Moreno dahil sa sakit sa puso, magaganap, kung hindi mag-iingat, sa buwan ng Abril hanggang Hulyo sa petsang 8, 17, 26, 6, 15, 24, 9, 18, at 27, sa araw ng Lunes, Martes, Bi-yernes at Sabado habang nagsasa-himpapawid o nagte-taping sa kanyang programa sa radio at telebisyon.
Si Sen. Bong Revilla ay tuluy-tuloy na mamamayagpag sa politika, kung saan, sa susunod na halalang pambansa, sigurado na ang kanyang pagtakbo at pagkapanalo bilang ikalawang pangulo, ngunit dapat siyang mag-ingat sa mga petsang 4, 13, 22, 31, 8, 17, 26, 1, 10, 19 at 28, sapagkat may nakaambang disgrasya na maaaring ikasawi niya, sa malayong paglalakbay.
Habang ang kanyang maybahay na si Congresswoman Lani Mercado ay mapapabalitang may lihim na relasyon, kung hindi mag-iingat, sa isang kapwa niya Congressman. Ngunit hindi ito magiging dahilan upang mawasak ang kanilang masayang pamilya.
Itutuloy
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.