Ni John Roson
BABAENG walong buwan nang nawawala ang natagpuan ng mga awtoridad sa loob ng isang septic tank sa Kalibo, Aklan kanina.
Natunton ang bangkay matapos umanong magparamdam ng babae sa panaginip ng kanyang mga kapatid.
Nakuha ng mga tauhan ng National Bureau of Investigation at Kalibo Police ang nabubulok na bangkay sa septic tank alas-9:45 ng umaga, sabi sa Bandera ni PO3 Nida Gregas, tagapagsalita ng Aklan Provincial Police.
Ang bangkay aniya ay pinaniniwalaang kay Elisa Malacas, na iniulat na nawawala ng mister nitong si Benny Dy noon pang Abril.
Hindi pa mabatid sa kung paano pinatay ang ginang dahil nabubulok na ang bangkay nang matagpuan, sabi ni Gregas nang kapanayamin sa telepono.
Nakaditine ngayon si Dy sa Kalibo Police Station habang iniimbestigahan ang posibleng kinalaman nito sa pagkamatay ng asawa.
Ang septic tank na kung saan nakuha ang bangkay ay nasa likod ng ancestral home ng pamilya Ramos sa panulukan ng XIX Martyrs at Goding Ramos sts., Brgy. Poblacion, katabi lang ng bahay ni Dy, ayon kay Gregas.
“Ipina-blotter niya (Dy) eight months ago na nawawala ‘yung asawa niya, umalis daw tapos di na bumalik, pero inamin na nag-away sila. Nagpakalat at nag-post pa siya ng mga poster ng asawa niya noon,” ani Gregas.
Tila bagong palit lang ang sementong takip ng septic tank, ayon pa sa pulis.
Samantala, sinabi ni Raul Malacas, kapatid ni Elisa, sa panayam sa isang lokal na istasyon ng telebisyon na humingi siya ng tulong sa NBI matapos ang paulit-ulit na “pagpaparamdam” ng nawawalang kapatid sa kanyang panaginip. “Sa panaginip daw, nakikita niya ‘yung kapatid niya na napapaligiran ng pader, parang manhole. Ganoon din daw ang naging panaginip ng isa pa nilang kapatid sa Spain,” ani Gregas.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.