NASULIT ang pagsali ni Michael Christian Martinez nang napasama siya sa Top 24 matapos ang short program sa men’s singles figure skating noong Huwebes ng gabi sa 2014 Winter Olympics sa Sochi, Russia.
Napahanga ng pinakabatang manlalaro sa 29 na sumali ang mga manonood sa Iceberg Skating Palace dahil sa husay ng kanyang executions sa mahihirap na triple axel at loops.
Pinili ni Martinez ang tugtugin na Romeo and Juliet at nakita rin sa kanya ang kontrol at magandang balanse habang isinasagawa ang routine na tumagal ng mahigit dalawang minuto.
Walang tigil ang palakpak na nakuha ng 17-anyos na tubong Muntinlupa City at kauna-unahang Filipino at Southeast Asian figure skater na nakasali sa Winter Games nang ianunsyo ang nakuhang 64.81 puntos mula sa 33.31 (technical) at 31.50 (component).
“I feel like a real champion,” pahayag ni Martinez sa Associated Press matapos lumagay sa ika-19th puwesto sa pangkalahatan. Dahil sa pangyayari, si Martinez ay nakapasok sa ikalawa at huling round na free skates program na pinaglabanan kagabi.
Ang iskor ng una at pangalawang araw ay pagsasamahin at ang tatlong skaters na may pinakamataas na puntos ang siyang gagawaran ng medalya.
Anuman ang kalabasan sa free skates ay masaya na si Martinez lalo pa’t ang naging layunin niya sa pagsali ay makapasok sa Top 24 at makakuha pa ng karanasan bilang paghahanda sakaling makapasok pa sa 2018 Winter Games sa Pyeongchang, South Korea.
“It’s an honor to know that I am already on the same competing level of such great skaters,” naihayag ni Martinez. Nakapasok si Martinez sa kompetisyon nang tumapos sa ikapitong puwesto sa qualifying event sa 2013 Nebelhorn Trophy.
Hindi naman baguhan si Martinez sa malalaking torneo at noong 2013 World Junior Championship ay tumapos siya sa ikalimang puwesto sa pangkalahatan bitbit ang 67.01 puntos sa short program at 124.63 puntos sa free skates tungo sa 191.64 total points.
Ang markang naitala niya sa short program ang kanyang career-high habang ang pinakamataas na puntos na naitala niya sa free skates ay 135.15 sa 2013 JGP Estonia.
Si Yuzuru Hanyo ng Japan ang siyang nanguna sa short program sa nakuhang 101.45 puntos habang ang world champion na si Patrick Chan ng Canada ang nasa pangalawang puwesto sa 97.52 puntos. Tumapos naman sa ikatlong puwesto si Patrick Fernandez ng Spain sa 86.98 puntos.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.