HINDI nabawasan ang efficiency ni Beau Belga kahit pa tinamaan siya ng tigdas at hindi nakapaglaro ng dalawang laro para sa Rain or Shine.
Sa halip ay nagbalik siya at nagbida para sa Elasto Painters sa kanilang mahalagang panalo kontra nagtatanggol na kampeong Talk ‘N Text, 90-88, noong Sabado sa Mall of Asia Arena sa Pasay City.
Ang panalong iyon ang ikalimang sunod para sa Rain or Shine na ngayo’y may 9-3 record at kasama ng Petron Blaze sa ikalawang puwesto sa likod ng Barangay Ginebra San Miguel (10-2) sa PLDT myDSL PBA Philippine Cup.
Ang 6-foot-6 na si Belga ay nagpasok ng isangside jumper kontra sa dating Philippine Christian University teammate na si Jayson Castro sa mga huling segundo ng laro upang maipanalo ang Elasto Painters.
Puwede sanang makatabla ang Tropang Texters subalit nagmintis si Ranidel de Ocampo. Bunga ng kanyang kabayanihan, si Belga ang nahirang na Accel-PBA Press Corps Player of the Week para sa period na Enero 5 hanggang 12.
Si Belga, isang alternate sa Gilas Pilipnas na sumegunda sa FIBA Asia men’s basketball tournament noong nakaraang taon, ay nagpasok ng pito sa siyam na tira kontra TNT.
Aniya, sobrang pag-eensayo ang siyang susi sa kanyang magandang performance. “Maaga akong dumarating sa ensayo. Shooting na kaagad ako para mag-improve sa department na iyon,” ani Belga. “I really try to develop my mid-range shot.”
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.