LABING-siyam katao, 12 rito ay mga sundalo ang nasawi nang makasagupa ng mga tropa ng pamahalaan ang mga hinihinalang kasapi ng Moro Islamic Liberation Front at Abu Sayyaf sa Al Barka, Basilan, kahapon.
Bukod sa 12 sundalo na namatay sa bakbakan na sumiklab alas 5:30 ng umaga, 11 pa ang naiulat na sugatan habang 10 ang sinasabing tinangay ng mga nakaenwkentro ng mga ito, ayon kay Lt. Col. Randolph Cabangbang, tagapagsalita ng Armed Forces of the Philippines-Western Mindanao Command.
Hinahanap ng mga sundalo, na pawang mga miyembro ng Army 4th Special Forces Battalion, ang isang presong tumakas sa Basilan Provincial Jail nang makaharap ang mga armado, ayon sa ulat ng militar.
Sinabi naman ni Col. Arnulfo Burgos, hepe ng Armed Forces Public Affairs Office, na Abu Sayyaf at “lawless elements” ang nakasagupa ng mga kawal.
Nagpadala aniya ng isang MG520 helicopter at OV-10 bomber plane para bigyan ng “close air support” sa mga kawal at dalawang UH-1H helicopter para sunduin ang mga sugatan.
Sinasabing may mga kasabwat na MILF members ang mga nakasagupa ng mga sundalo. Mga miyembro diumano ito ng grupong pinamunuan ni Laksaw Dan Asnawi at Abu Sayyaf na pinamunuan ni Nurhassan Jamiri, ayon pa sa militar.
“They (soldiers) were in the area to hunt down an escapee from the Basilan Provincial Jail when they encountered armed men, another group reinforced the enemy so our troops were outnumbered,” sabi naman ng isang source na tumangging magpapangalan dahil sa kawalan ng awtoridad.
Si Asnawi, ayon sa tala ng pulisya, ay miyembro ng MILF 114th Base Command at kabilang sa mga kinasuhan para sa pagpatay sa 14 Marines, kung saan 10 ang pinugutan, sa Al Barka noong 2007.
Nakaalpas siya at ang may 30 preso sa Basilan Provincial Jail noong Disyembre 13, 2009, nang salakayin ng mga armado ang pasilidad.
Samantala, kinumpirma rin ng militar na may pitong bandido ang namatay sa insidente, at naniniwala rin anya sila na marami rin sa mga ito ang nasugatan. — John Roson
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.