5 kabataang Pinoy waging-wagi sa Kids of the World 2025

SA kanilang murang edad, nakapagbigay na agad ng karangalan sa Pilipinas ang limang kabataan matapos rumampa sa Kids of the World 2025.
Ito’y ginanap sa Bali, Indonesia noong February 28 hanggang March 1, 2025 kung saan nakalaban ng mga representative ng Pilipinas ang ilan pang kabataan mula sa iba’t ibang bansa.
Itinanghal na Little Mr. Kids of the World 2025 si Quincy Ross Antonio Pertodo na nakuha rin ang Most iconic at Most Favorite award. Tinalo ni Quincy Ross sa titulo ang mga contestant mula sa Indonesia at Laos.
Junior Ms. Kids of the World 2025 naman si Elisha Nicole Erana na mahigpit na nakatunggali ang representative mula South Africa, Indonesia, at Bostwana; Little Ms Ambassador Kids of the World 2025 si Princess Margaret de Castro na tinalo ang taga-Indonesia, Laos at Bostwana; Junior Ms. Universe Kids of the World 2025 si Athena Ashley Salanga na tinalo ang taga-Indonesia at Laos; at Junior Mr. Ambassador Kids of the World 2025 naman si Khale Luis Alvarez Montiel na mahigpit na nakalaban at tinalo ang taga-Indonesia at Laos.
Hindi naman makukuha ng limang bagets ang title kung wala ang guidance ng kanilang National Director na si Charlotte Dianco ng Spring Fairy Entertainment Productions at ni Ms. V-Gay Mortiz ng Alva Kids.
In fairness, talaga namang ang ku-cute at napakabibo ng limang nagwagi sa Kids of the World 2025 na nakausap namin sa isinagawang victory press conference kaya hindi nakapagtataka na naiuwi nila ang title.
Nagpakitang-gilas din ang iba pang alaga ng Alva tulad Miguel François Casimiro na nag-host, opening prayer ni Bless Pedrosa, stunning dance performance nina Jaden Galang & B. A. S. PH (Bless, Ashley, and Sofia) at ang pag-rampa ng iba pang Alva kids at Goin’ Bulilit stars. Dumalo rin si Miss Teen Culture, Sabrina Renee Bautista.
Sa murang edad ng mga bagets hindi biro ang pagte-training sa mga ito. Pero ayon kay Ms V-Gay hindi sila nahirapan sa pagte-training sa lima dahil gifted ang mga ito.
“Actually dahil na rin sa kanila (mga bata) eh, ako ay guidance lang. So, with the help of God and itong mga batang ito they are gifted already eh.
“So sa akin guidance na lang. And importante sa akin iyong tulong ng mga magulang for the attitude kasi sila ang kasama ng mga bata,” ani Ms. V-Gay.
May apat na sessions na isinagawa ang Alva Kids sa pagte-training sa mga bagets. At sa lima, si Nicole ang pinaka-una dahil 6 years old pa lang ito’y nasa kanila na.
“Wala siyang ibang training and iyong actual na runway, kapag may mga invitations ang Alva Kids dinadala namin sila for the experience. And with the four sessions lahat iyan parang nai-compress namin iyong lessons tapos may mga partner tayong experts na kasama namin para mahasang mabuti pa ang mga bata.
“Isa sa partner experts namin ang Global Academy of Rock para sa music. Sa modeling ang RunwayAtelier and mayroon po tayong coaches na online and runway model na nakakasama sila na tumutulong. Sa acting naman mayroon tayong mentors from Goin’ Bulilit na nagtuturo sa kanila,” sey pa ni Ms V-Gay.
Ibinalita rin niya na nakipagtunggali ang mga bata sa kanilang national costume at evening wear.
“More on high fashion ang ipinakita ng mga bata. Ang question and answer for the preteens. Ang kids more on the ramp,” sabi pa ng taga-Alva.
Bale tinalo ng limang bagets ang mga batang ipinadali mula Laos, Bostwana, Korea, Indonesia, South Africa, at India.
Sinabi naman ni Ms Charlotte na first time ginawa ang Kids of the World at inaasahang taon-taon na ito gagawin.
Idinagdag pa ni Ms V-Gay na hindi sila nahirapang i-train ang mga bata. “Gifted sila, they listen well. Kapag makulit napagsasabihan naman, nakikinig sila. Ang unang tine- train namin sa Alva sa kanila ay attitude.
“Kapag wala po ‘yan hindi na namin tine-train. Kinakausap na namin ang parents na hindi namin kakayanin kasi kailangan namin number one is communication then attitude,” aniya pa.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.