Lance Carr, Aubrey Caraan pakilig sa ‘Avenues of the Diamond’ ng Viva One

Aubrey Caraan at Lance Carr
MAGPAPASABOG muli ng kilig at good vibes ang pinakahihintay na series adaptation ng “Avenues of the Diamond” na pagbibidahan nina Aubrey Caraan at Lance Carr.
Ito ang ikaapat na installment sa hit Wattpad saga ni Gwy Saludes na “University Series.” Mapapanood na ito sa Viva One ngayong April 11, 2025 mula sa direksyon ni Gino Santos.
Matapos ang tagumpay ng “The Rain in España,” “Safe Skies, Archer” at “Chasing in the Wild”, patutunayan ng bagong kabanatang ito na kahit ang galit sa puso ay maaaring maging pagmamahal.
Si Aubrey Caraan ay muling gaganap bilang Samantha, isang mabait at palakaibigang Communication student mula sa Ateneo de Manila University. Ngunit sa kabila ng pagiging masayahin ay isang pusong takot magtiwala at magpakita ng tunay na damdamin.
Sa kagustuhang makatakas sa kanyang toxic na pamilya, papayag siya sa isang arranged marriange kay Clyden dahil naniniwala siyang ito ang daan para magkaroon siya ng kalayaan.
View this post on Instagram
Si Lance Carr naman ay gaganap bilang Clyden, isang matalino at masipag na Medicine student mula sa University of the Philippines na palaging sumusunod sa kagustuhan ng kanyang mga magulang para sa kanyang kinabukasan.
Pero wala siyang balak seryosohin ang kasunduang kasal kay Sam, lalo pa at hindi niya ito gusto dahil siya ay anak ng isang tiwaling opisyal.
Kahit na hindi sila magkasundo, mapipilitan silang magsama sa iisang bubong bago ang kanilang kasal – at agad nilang mapapatunayang hindi sila bagay sa isa’t-isa dahil marami silang pagkakaiba.
Ngunit habang tumatagal, unti-unti silang nagkakalapit hanggang sa tuluyang mahulog ang loob nila sa isa’t-isa. Ang kanilang kasal na dating kasunduan lamang ay pareho na nilang gustong gawin.
Masusubukan ang kanilang pagmamahalan dahil sa problema ng kanilang pamilya at sa kanilang sariling ambisyon. Magtutulak ito sa kanila para gumawa ng mahirap na desisyon tungkol sa kanilang relasyon.
Sa pag-usad nila sa kani-kanilang buhay at karera, isang tanong ang mananatili: matututo ba silang ipaglaban ang kanilang pag-ibig?
Magbibigay pa ng ningning sa serye ang nag-iisang Claudine Barretto, ang multi-awarded “Optimum Star” na kinilala bilang isa sa pinakamahuhusay na aktres sa industriya, patunay ang kanyang di-mabilang na Best Actress wins at Box Office Queen trophies.
Makakasama niya ang batikang aktor na si Bobby Andrews bilang mga magulang ni Sam, habang si Abby Bautista naman ang gaganap bilang si Naomi, ang half-sister ni Sam.
Matapos idirek ang pangalawang installment na “Safe Skies, Archer”, muling nagbabalik si Gino Santos sa series. Ang kanyang pagbibigay-buhay sa “Avenues of the Diamond” ay tiyak na magdadagdag na naman ng isang hindi malilimutang chapter sa “University Series.”
Samantala, si Lance ay dating housemate sa “Pinoy Big Brother: Otso.” Napanood siya sa mga Kapamilya series na “Bawal Lumabas: The Series,” “Beach Bros,” “Drag You & Me” at Dirty Linen.
View this post on Instagram
“I’m so excited to give justice to the role. I feel honored to be one of the leading men ng University Series kasi sobrang sikat po niya. Ang daming nag-aabang kung sinong gaganap as Clyden so I’m very honored na nagtiwala ang Viva, nagtiwala ang management sa akin to portray the role of Clyden,” sey ni Lance.
Si Aubrey naman ay former member ng girl group na Pop Girls, at nakasama sa mga pelikulang “Indak,” “Ang Manananggal na Nahahati ang Puso,” “Tropang Torpe,” “Kalye Kweens”, at “Nanay, Tatay.”
“I’m really grateful for Viva for this project. I feel blessed being part of this University Series. I feel happy. Being part of this, nagkaroon ako ng recognition sa iba. Mas naappreciate ako ng tao bilang artist.
“Very special ’yung role ni Sam kaya kailangan mabigyan ko siya ng justice,” aniya pa.
Huwag palampasin ang kislap at kilig ng pag-ibig—panoorin ang “Avenues of the Diamond” sa Viva One ngayong April 11, na may bagong episode tuwing Biyernes.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.