Grade 1 student minolestiya ng school employee sa CR, nagsumbong sa guro
Trigger Warning: Mentions of rape, sexual abuse
MINOLESTIYA ang isang grade 1 student sa loob mismo ng banyo ng kanilang eskwelahan sa Tanza, Cavite.
Positibong kinilala ng batang biktima ang suspek nang ipakita sa kanya ang ilang footage na nakunan ng CCTV sa kanilang school.
Sa ulat ng “Frontline Tonight”, nangyari umano ang panghahalay sa babaeng mag-aaral nang magtungo siya sa CR na matatagpuan sa nasa labas ng kanilang classroom.
Batay sa salaysay ng bata, habang nasa loob ng banyo ay hindi raw niya maabot ang tabo na nakapatong sa mataas na bahagi ng CR kaya tinulungan siya ng suspek na isa sa mga empleyado sa paaralan.
Baka Bet Mo: Jake Zyrus minolestiya sa edad na 6: ‘If you tell anyone, I’ll kill you’
Kasunod nito, hinipuan na raw ng suspek ang batang babae at hinawakan pa ang maseselang bahagi ng kanyang katawan. Wala raw nagawa ang biktima dahil sa takot.
Pagkatapos molestiyahin, agad daw na nagsumbong ang biktima sa kanilang guro. Positibo namang kinilala ng management ng school na empleyado nga nila ang suspek.
Nakumpirma rin na hindi lang ang nagsumbong na biktima ang minolestiya ng suspek dahil may mga nabiktima na rin daw ito sa iba pang mga grade 1 at grade 3 students.
Nagsampa na rin ng kaukulang reklamo sa Women’s and Children’s Desk ng PNP Tanza, Cavite ang mga magulang ng biktima.
Samantala, mabilis namang nagpatupad ng “buddy system” ang school para sa mga female students kapag magpupunta sa CR.
Bukod dito, hindi na rin pinapayagan ng mga guro ang kanilang mga estudyante na maghintay nang solo sa bisinidad ng paaralan kapag wala pa ang kani-kanilang sundo.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.