Sandro, NBI nagsampa ng rape case sa DOJ laban sa 2 GMA writer
TULOY ang laban ng baguhang aktor na si Sandro Muhlach laban sa dalawang independent contractors ng GMA 7 na inakusahan niya ng rape.
Pormal nang nagsampa ang Sparkle artist ng kaukulang kaso sa tanggapan ng Department of Justice (DOJ) laban kina Jojo Nones at Richard “Dode” Cruz.
Personal na nagtungo sa DOJ ang young actor kasama ang amang si Niño Muhlach upang maghain ng reklamong rape through sexual assault laban sa dalawang writer ng Kapuso Network.
Sinamahan din sila ng kanilang abogado at ilang tauhan ng National Bureau of Investigation sa pagsasampa ng kaso. Unang naghain ng complaint si Sandro sa NBI na siyang nagsagawa ng paunang imbestigasyon sa kaso.
Ayon pa sa ulat, kasama rin nina Sandro at Niño ang dalawang saksi na siyang magpapatunay sa umano’y ginawang panghahalay sa biktima.
Baka Bet Mo: Sandro Muhlach diring-diri sa ginawa ng 2 beki: Ang dumi-dumi ko!
“Finally, umabot na kami sa araw na ito na we’re finally filing a case and onwards.
“Siyempre magkakaroon na ng mga court hearing and siguro soon makakamit rin namin ‘yung justice, which Sandro deserves,” ang pahayag ni Niño sa panayam ng media.
Dagdag pa ng aktor, “Parang nakaluwang-luwang sa dibdib dahil umabot na tayo sa araw na ito. Ang bigat kasi nakikita mo ‘yung anak mo araw-araw na nagsa-suffer, di makakain, di makatulog.”
Sa pagharap ni Niño sa Senate hearing last week, sinabi niyang nagkaroon ng trauma ang anak nang dahil sa ginawa sa kanya kaya kinailangang nitong sumailalim sa psychological treatment.
Samantala, ayon naman sa legal counsel ni Sandro na si Atty. Czarina Raz, bukod sa kasong rape, sinampahan din nila ng multiple counts of acts of lasciviousness ang dalawang independent contractors ng GMA.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.