Bahay ni Pokwang tinarget ng scammer, fake ‘staycation’ maraming nabiktima
HINDI titigilan ni Pokwang ang mga scammer na nasa likod ng paggamit ng kanyang bahay para makapagnakaw at makapanloko ng kapwa.
Nadiskubre kasi ng TV host-comedienne na may sindikato na nagpo-post ng mga litrato ng kanyang bahay sa Antipolo bilang staycation resort na pinapa-rent sa publiko.
Ayon kay Pokey, may ilang tao o grupo na raw na pumupunta sa kanilang bahay na nabiktima ng naturang scammer na nakapagbigay na raw ng downpayment.
Kaya naman nagdesisyon na ang komedyana na magsumbong sa tanggapan ng National Bureau of Investigation (NBI) para mahuli at maparusahan na ang mga salarin.
Baka Bet Mo: Vina, Pokwang, Sam YG pinagtawanan ‘pabangga-pasagasa’ modus: ‘Best actor!’
View this post on Instagram
Ayon sa report ng “24 Oras”, pormal nang ini-report ni Pokwang sa NBI ang Facebook page na “Sunnyside Resort” kung saan nakabalandra nga ang mga litrato ng pag-aaring bahay.
“Magaganda yung mga pino-post doon sa account niya. Ikaw naman maeengganyo ka talaga. Pero wala talagang ganoong resort,” sabi ni Pokwang.
Pagbabahagi pa ng Kapuso star, mula pa raw noong December, 2024 ay may mga kumakatok na sa kanilang bahay na mga mga nabiktima ng scammer. Walang kaalam-alam ang mga ito na ang na-book nilang staycation house ay pag-aari ni Pokey.
“Minsan, sa loob ng isang araw, ang kumakatok na tao dito, tatlo hanggang limang biktima sa isang araw lang ‘yun. At karamihan doon, nagda-down na,” sabi ni Pokwang.
“Natatakot ako para sa family ko. Nilagay mo sa risk yung buhay ng pamilya ko. Hindi kita titigilan. Kakasuhan ko siya,” ang pahayag pa ni Pokwang sa naturang panayam.
Kasunod nito, muli namang nagpaalala ang NBI sa publiko na mag-book lamang sa mga lehitimong travel agency at mga ipinarerentang resort.
“Kailangan mag-book sila sa regulated platforms natin. Since they are regulated, nakakasiguro tayo na mabo-book natin,” ang pahayag ni NBI Cybercrime Division Executive Officer Vanessa Asuncion.
“Secondly, mag-ocular, make sure that the owner… legally allowed by the owner,” dagdag pa niyang paalala.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.