Heaven nilayasan ang haunted condo; Mon nilalagnat pag humiga sa kabaong

Eula Valdez, Mon Confiado at Heaven Peralejo
GABI-GABING binabangungot at hirap na hirap matulog ang premyadong aktres na si Heaven Peralejo sa tinirhan niyang condo unit noon.
Ito ang shocking revelation ng dalaga sa naganap na presscon kamakailan para sa bago niyang horror movie under Viva Films, ang “Lilim” mula sa direksyon ni Mikhail Red.
May kanya-kanyang kababalaghan at makapanindig-balahibong experience ang mga bida ng pelikulang “Lilim” kabilang na nga riyan sina Heaven, Ryza Cenon, Eula Valdes, Mon Confiado at maging ang award-winning filmmaker n na si Direk Mikhail.
Kuwento ni Heaven may weird na karanasan daw siya noong nakatira pa siya sa dati niyang condominium kung saan gabi-gabi raw siyang binabangungot.
“Yung tipong sumisigaw ako kapag nagigising. Yung ang hirap gumising tapos parang naninigas yung mga paa mo. Sabi kp, bakit kaya nangyayari yun sa ‘kin.
Baka Bet Mo: Ivana umaming inatake ng matinding takot nang humiga sa kabaong
“Kaya naiinis na ko, kasi hindi na talaga ako makatulog na mag-isa kasi baka bangungutin na naman ako,” sey ni Heaven.
View this post on Instagram
Ang ginawa ng aktres, pinatingnan niya sa kanyang lola na may third eye ang kanyang condo at ang sabi raw nito ay may isang lalaking nakatayo sa gilid ng kanyang kwarto.
“Sa corner pala ng kwarto ko kung saan ako naka-face, may lalaki raw na nakatingin lang. Sabi ko, ‘Ha?! Sino yun?’ So after nu’ng nalaman ko ‘yun, tumaas talaga ‘yung balahibo ko.
“And then, umalis na ako sa condo, kasi hindi ko na kaya,” pag-alala ni Heaven.
May kuwento naman si Direk Mikhail Red tungkol sa lumang painting ng babae na ginamit nila sa shooting ng “Lilim.”
Sey ng direktor, feeling niya ay may “curse” ang naturang painting dahil natatakot daw ang mga bata kapag tumitingin doon at may kakaiba raw silang nararamdaman sa set.
“Kinailangan naming sunugin (ang painting) dahil may mga nadi-disturb nang mga bata. May bad vibes ‘yung painting,” saad pa niya.
Umamin naman si Ryza na may third eye siya at talagang nakakakita at nakakaramdam siya ng kung anu-anong nilalang at elemento lalo na kapag nasa taping o shooting.
Effective raw ang ginagawa ng aktres para hindi siya saktan o gambalain ng mga naturang supernatural beings. Kinakausap daw niya ang mga ito at humihingi ng sorry kung nabubulabog o naiingaya sila.
Maraming beses na raw naka-experience ng mga kababalaghan si Eula, kabilang na ang mga hindi matahimik ng kaluluwa. Ito ang dahilan kung bakit hindi siya nagpupunta sa mga burol ng patay dahil madalas ay may mga sumusunod sa kanyang kaluluwa.
Minsan daw ay nakita niya ang dalawa niyang kasambahay na may lalaki sa gitna ng mga ito pero hindi naman daw nakikita ng kanyang mga maid.
“Kapag taping, may mga nakakakita ako na nasa puno na mga itim and mga mata nila, umiilaw,” sey ni Eula.
Kinakausap lang daw niya ang mga ito na huwag manggugulo. “Marami pa (karanasan sa supernatural), nasanay na lang ako.”
Sa tuwing hihiga naman daw sa kabaong si Mon Confiado para sa mga ginagawa niyang teleserye at pelikula ay may nangyayari sa kanya.
“Tatlong beses na akong pinapasok sa loob ng kabaong. At pramis, iba ang feeling sa loob. At every time na pinapasok ako sa loob after the shoot, nilalagnat ako.
“And recently lang, na-witness pa ni Heaven, four days ago, pinasok na naman ako sa ataul. At grabe, nilagnat na naman ako,” pagbabahagi pa ng aktor.
Ang sabi raw sa kanya ay bago ang kabaong na pinapagamit sa kanya pero feeling daw niya ay nagamit na ito ng mga taong namatay na, “Parang amoy-bangkay du’n sa loob. Ha-hahaha!”
Samantala, after ng naganap na world premiere ng “Lilim” sa Rotterdam, bumuhos ang magagandang reviews ng international publications para sa nasabing pelikula.
Naging official selection din ito sa 54th International Film Festival at kinilala sa Asian Movie Pulse bilang isang “well-directed, well-shot, well-acted psychological horror/slasher that will definitely satisfy all fans of the particular genre” dahil sa nakakakilabot nitong kwento at husay ng cast.
Nagsisimula pa lang ang global impact ng ‘Lilim’ matapos itong mag-iwan ng marka sa IFFR. Magpapatuloy ang pananakot ng pelikula sa mas maraming manonood sa buong mundo.
Napili ang “Lilim” na lumahok sa mas marami pang prestigious festivals, isang mahalagang tagumpay ng Filipino horror genre sa international scene. Showing na ito sa mga sinehan sa buong bansa sa March 12.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.