VP Sara Duterte sa chikang magre-resign na: ‘Wala pa tayo doon’
![VP Sara Duterte sa chikang magre-resign na: ‘Wala pa tayo doon'](https://bandera.inquirer.net/files/2025/02/Screen-Shot-2025-02-07-at-12.51.18-PM.png)
PHOTO: Facebook/Inday Sara Duterte
PINABULAANAN ni Vice President Sara Duterte ang kumakalat na chikang magre-resign na siya sa kanyang pwesto.
“Wala pa tayo doon masyado pang malayo ‘yung ganyang mga bagay,” sey niya sa isang press conference ngayong araw, February 7.
Aniya pa, “Nandito pa lang tayo sa pagbabasa [ng impeachment complaint]. May mga abogado tayong nagtatrabaho.”
Nitong Miyerkules, February 5, nang ma-impeach sa House of Representatives si VP Sara.
Baka Bet Mo: Presidential son Sandro Marcos unang pumirma para ma-impeach si VP Sara
Nasa 215 mambabatas o mahigit two-thirds ng House’s 306 members ang sumuporta sa ikaapat na impeachment complaint laban sa bise presidente.
Ang nasabing resolusyon ay ipapasa naman sa Senado na alinsunod sa batas, ang siyang magsasagawa ng paglilitis.
Ayon sa ulat, aabot sa pito ang articles of impeachment sa naturang complaint at ito ay magiging basehan ng mga senador sa isasagawang mga pagdinig upang malaman kung matibay ang mga ebidensya para tuluyang patalsikin sa pwesto bilang bise presidente o hindi si Duterte.
May tatlo nang naunang impeachment complaint ang inihain laban kay VP Sara noong December last year.
Kabilang diyan ang reklamong hindi maipaliwanag umano ang paggamit ng confidential funds sa kanyang tanggapan bilang vice president at noong kalihim siya ng Department of Education.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.