‘Pepsi Paloma’ movie mare-reschedule, tutugunan muna ang hinihingi ng MTRCB

Darryl Yap, ‘Pepsi Paloma’ movie poster
AYON sa Pinoyflix Films and Entertainment Production, ang distributor ng kontrobersyal na pelikulang “The Rapists of Pepsi Paloma,” handa silang tugunan ang additional requirements ng Movie and Television Review and Classification Board (MTRCB).
Ito ay upang makakuha na sila ng bagong playdate ng upcoming film.
Magugunitang sinabi ng MTRCB na hindi pa nila pwedeng i-review ang pelikula dahil kailangan muna ng Certificate o Clearance of No Pending Criminal, Civil, or Administrative Case mula sa Regional Trial Court, Department of Justice (DOJ) at Office of the City Prosecutor.
Nakausap ng INQUIRER ang presidente ng Pinoyflix Films na si Jose Olinares at ang sabi niya: “Magre-request po kami ng certification or clearance mula sa RTC ng Muntinlupa, Prosecutors Office Muntinlupa, at DOJ. Pero dahil sa February 5 na ang playdate, hindi pa namin sigurado kung aabot kami sa pagkuha ng mga requirements.”
Baka Bet Mo: Darryl Yap kulang sa pera, koneksyon: Pero ‘di kapos sa tapang, paninindigan
“Kung hindi kami aabot, hihilingin namin sa producer ng pelikula na i-reschedule ang playdate,” dagdag pa niya na tinutukoy ang PRODMO PRODUCTIONS INC bilang producer ng pelikula.
Sa kasalukuyan, nahaharap ang direktor ng pelikula na si Darryl Yap sa 19 counts of cyberlibel na isinampa ng batikang aktor at TV host na si Vic Sotto.
Sa naturang teaser video ay diretsahang binanggit ang pangalan ni Bossing Vic hinggil sa rape case ng yumaong sexy star na si Pepsi na sumikat noong dekada 80.
Nananatiling nakabinbin ang reklamo sa opisina ng prosecutor sa Muntinlupa.
Bukod sa cyberlibel, nagsampa rin ang aktor ng petition for the writ of habeas data sa Muntinlupa Regional Trial Court.
Kinatigan ng korte ang petisyon ni Vic kung saan inutusan ng korte si Direk Darryl na tanggaling o i-take down ang teaser video ng pelikula sa lahat ng online platforms, bagama’t pinayagan pa rin siya na ipagpatuloy ang produksyon at pagpapalabas ng pelikula.
Pareho namang sinabi ng dalawang kampo na hindi na sila aapela sa naging desisyon ng korte.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.