Isko aprub sa health certificate; cyber libel case pinalagan

Isko aprub sa ordinansang health certificate; cyber libel case laban sa labor lider pinalagan

Antonio Iñares - January 29, 2025 - 02:02 PM

Isko aprub sa ordinansang health certificate; cyber libel case laban sa labor lider pinalagan

Isko Moreno

AAMYENDAHAN ni dating Manila mayor Francisco “Isko” Moreno ang city ordinance 8973 na naglilimita sa mga manggagawa na makakuha ng health permit para sa kanilang trabaho mula lamang sa mga pasilidad na suportado ng lungsod para sa kanilang trabaho, sakaling manalo itong muli sa Mayo.

Ang ordinansa ang naging dahilan ng malaking protesta ng ng mga manggagawa at mag-aaral ng University of Santo Tomas (UST) noong nakaraang taon.

May sariling pasilidad medikal ang UST na kayang magsagawa ng health checks sa kanilang mga empleyado at mag-issue ng permit sa mga ito kung sila ay nasa mabuting kalusugan.

Itinuturing ng mga manggagawa ang pagiging eksklusibo ng pag-issue ng health permits mula sa mga government-owned laboratory ay redundant at karagdagang gastos lamang para sa kanila.

Sa panayam ni Yorme sa Varsitarian ng UST, sinabi ng dating alkalde na agad niyang ipag-uutos sa konseho ng lungsod na repasuhin ang ordinansa para sa mga kinakailangang pagbabago.

Baka Bet Mo: Proyektong pabahay ni Isko Moreno sa Maynila maraming nakinabang

“I will direct the city council under administrative measure,” aniya. “Parang hindi na siya napapanahon,” sey niya.

Ipinaliwanag ni Moreno na ipinatupad ng kanyang dating administrasyon ang city ordinance 8973 sa kasagsagan ng pandemya, kung kailan kinakailangang magpakita ng medical certificate ang lahat para makabalik sa trabaho, na nagresulta sa biglang pagtaas ng accreditation requests para sa medical frontliners.

Sambit ng dating alkalde, “Naalala ninyo, naglipana ‘yung mga swabbing centers, everyone wanted to be a medical frontliner. We wanted a certain level of control in a chaotic situation. The question now is, are we still in a chaotic situation, or are we now in the normalization?”

Nilinaw ni Isko na ang health permit ay mahalaga pa rin, katulad sa mga industriya na may kinalaman sa pagkain.

Ayon sa kanya, maaaring malawak ang saklaw ng batas, ngunit maaaring baguhin ito upang tutukan ang partikular na sektor ng lipunan.

“Nagtatrabaho ka sa ospital, eh ‘di doon ka kumuha ng laboratory check-up mo. Ang ospital mismo ang hindi papayag na magtrabaho ka kung may sakit ka. Logic will dictate among right minds,” dagdag niya.

Sa parehong panayam, pinanigan ni Moreno ang mga kritiko ng ordinansa at tinuligsa ang kasalukuyang administrasyon ng lungsod sa pagtanggi nitong pakinggan ang punto ng mga kritiko.

“The least thing that you can do is to lend an ear. At the very least, you just lend an ear. Ano ang ginawa? Dinemanda pa yata,” saad niya.

Tinutukoy ni Moreno ang kasong cyber libel na isinampa ni Dr. Arnold “Poks” Pangan, pinuno ng City Health Department ng Maynila, laban kay Elijah “Eli” San Fernando ng National Federation of Labor.

Sa isang Tiktok video ay inakusahan ni San Fernando si Dr. Pangan at ang kanyang asawa na si Manila Mayor Honey Lacuna ng sadyang hindi pagpapahintulot sa mga empleyado ng UST na kumuha ng health certificates mula sa ospital ng UST para sa kita.

Sa kanyang reklamo, itinanggi ni Pangan ang mga paratang ni San Fernando at sinabing ito’y walang batayan at layuning sirain ang kanyang reputasyon bilang tao at lingkod-bayan.

Itinanggi naman ni San Fernando na may masamang intensyon siya sa kanyang sinabi at inilaban na ang kanyang mga paratang ay nakaukol sa opisina ni Pangan.

Iginiit din niya na ang issue ay isang “pampublikong usapin.”

Aniya, ang kanyang mga pahayag ay ekspresyon lamang ng pagkadismaya at hindi mapanirang-puri.

Ayon pa sa partylist candidate sa kanyang counter-affidavit, ang pagtukoy sa kanyang mga sinabi bilang defamatory ay taliwas sa garantiyang freedom of speech ng Konstitusyon.

Ikinalungkot ni Moreno ang kasong isinampa laban kay San Fernando: “Kawawa ka naman. Ineere mo lang ‘yung damdamin ng tao, nademanda ka pa.”

Pinatunayan ni Moreno ang sinabi ni San Fernando na kumikita ang lungsod sa binabayarang regulation fees ng mga mamamayan sa pagkuha ng mga permit.

“Alam mo kung ano ang bottomline nyan?”, ika niya, “Income.”

Nilinaw naman ni Isko na mahalagang bahagi ng ordinansa ang fees noong ito ay ipinasa habang nasa kasagsagan ng Covid pandemic.

“Noong araw hindi mo naman iniintindi ang fees. Kailangan ang fees dahil regulatory fees ‘yan eh. Kaya ang ginawa ko noon, shotgun, to calm [things] down, then start configuring what is essential and what is not. Because you are in a pandemic situation. There’s so many moving parts. Now, it’s settled, ‘yung mood and environment,” esplika pa niya.

Sinabi ni Moreno na ang pagtanggi sa mga empleyado ng UST na gamitin ang kanilang sariling pasilidad ay “pahirap sa empleyado.”

Hindi pa personal na nakakapanayam ni Isko Moreno ang mga empleyado ng UST dahil ayaw nitong maakusahan ng pamumulitika sa isyu.

Your subscription could not be saved. Please try again.
Your subscription has been successful.

Subscribe to our daily newsletter

By providing an email address. I agree to the Terms of Use and acknowledge that I have read the Privacy Policy.

Nagpaabot naman umano siya ng mensahe sa mga ito sa pamamagitan ni San Fernando. “Eli, sabihin mo sa kanila, pagdating ng araw, kapag nakabalik tayo, aamiyendahan ko ang batas na yan,” aniya.

Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.

Your subscription could not be saved. Please try again.
Your subscription has been successful.

Subscribe to our newsletter!

By providing an email address. I agree to the Terms of Use and acknowledge that I have read the Privacy Policy.

What's trending