Proyektong pabahay ni Isko Moreno sa Maynila maraming nakinabang
MAYNILA, Pilipinas — Nagpatotoo ang mga residente ng Maynila sa bisa ng mga proyektong pabahay na inilunsad ni dating Mayor Isko Moreno, na nagsabing ang mga resettlement areas ay nagbigay ng seguridad sa mga pamilya.
Sa isang pahayag, sinabi ni Nieves Florita, isang benepisyaryo ng pabahay, na inakala niyang magiging biktima siya ng karaniwang problema sa resettlement — kung saan inilipat ang mga informal settlers at mga nawalan ng tirahan sa mga lugar na malayo sa kanilang mga trabaho at paaralan.
“Inakala ko na sa malayo kami ililipat, nakakagaan ng loob na malapit lang kami sa aming mga trabaho,” sabi ni Florita.
Samantala, sinabi naman ni Rodrigo Esteban, isa pang residente ng Maynila, na nagbigay ang mga proyekto ng pabahay sa kanila ng kasiguruhan.
Baka Bet Mo: Isko wala sa isip ang bumalik sa politics: Pamilya muna uunahin ko
Si Moreno ang nasa likod ng iba’t ibang proyektong pabahay sa Maynila, bilang tugon sa tumataas na bilang ng mga walang tirahan sa lungsod na tinatayang nasa 200,000 pamilya noon.
Noong Pebrero, 2022, pinangunahan ni Moreno ang inagurasyon ng 15-palapag na Tondominium I, isa sa mga proyektong imprastruktura ng pamahalaang lungsod na naglalayong magbigay ng de-kalidad ngunit abot-kayang pabahay para sa mga residente ng Maynila.
“Sana, sa maliit nating kaparaanan, naitaas natin ang antas ng pamumuhay nila. Na yung natitikman ng mayaman ay pwedeng matikman ng mahirap.
“Ngayon ang araw na ginawa ng Panginoon na sa maliit nating paraan, yung equality ay unti-unting nararamdaman ng ating mga kababayan,” sabi ni Moreno sa isang panayam noong 2022.
Isa pang vertical mass housing project sa Binondo, na tinawag na Binondominium, ay pinasinayaan noong Abril, 2022.
“Onti na lang, hindi na sila magiging iskwater. Masaya ako para sa kanila. May awa ang Diyos, onti-onti,” sinabi niya noong inspeksyon.
Sa pagtatapos ng termino ni Moreno, libu-libong pamilya ang nailipat sa mga ligtas na proyekto ng pabahay ng lungsod, na nagbibigay sa kanila ng bagong pagkakataon sa buhay.
Itinuturing ang Maynila bilang isa sa mga pinakamasikip na lungsod sa mundo, at maraming eksperto ang naniniwala na ang problema ng lungsod ay overcapacity — na maaaring magdulot ng iba pang problema tulad ng matinding trapiko, pagtatapon ng basura, at polusyon.
Marami sa mga informal settlers, bago pa man ang mga proyekto ni Moreno, ay nahaharap sa patuloy na banta ng pagpapaalis, pagkakalantad sa mga panganib sa kalusugan, at kakulangan ng mga pangunahing amenities tulad ng access sa malinis na tubig at kuryente.
Sa loob ng tatlong taon ng kanyang termino, mula 2019 hanggang 2022, anim na pangunahing proyekto sa pabahay ang natapos o nasimulan: Basecommunity, isang 229-unit townhouse complex sa Baseco, Maynila, na natapos noong Hulyo 2021; Tondominium 1 at Tondominium 2, mga vertical housing projects para sa 336 pamilya: Binondominium, isang 168-unit area para sa mga informal settlers sa Binondo; San Lazaro Residences, inilunsad para makinabang ang 382 pamilya. — Gabriel Pabico Lalu, INQUIRER.net
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.