Jerald bukas sa iba’t ibang relihiyon; Pepe nagbabasa ng Quran
SIGURADONG pagsisimulan ng debate at mainitang palitan ng paniniwala sa isyu ng relihiyon ang bagong pelikula nina Jerald Napoles at Pepe Herrera.
Ang tinutukoy namin ay ang kauna-unahang pelikula ng Viva Films ngayong 2025, ang “Sampung Utos kay Josh” mula sa direksyon ni Marius Talampas at showing na sa January 29 sa mga sinehan.
Ayon kina Jerald at Pepe, hindi naman daw naapektuhan ang kanilang personal religious beliefs matapos nilang gawin ang kanilng comedy-drama film.
Gaganap na Satanas o demonyo si Pepe sa pelikula habang si Jerald naman ay si Josh na isang devout follower ng Ten Commandments pero kinuwestiyon ang kanyang faith dahil sa mga kamalasang nangyari sa kanyang buhay.
Baka Bet Mo: Bea, Dominic naghiwalay dahil sa relihiyon, hindi nagkasundo sa kasal?
Sa naganap na presscon ng “Sampung Utos Kay Josh” ay natanong nga ang dalawang bida kung in a way ba ay nagkaroon ba ng epek sa kanilang pananampalataya after nila itong i-shoot.
View this post on Instagram
Sey ni Jerald, naging bukas siyang tanggapin ang role niya sa movie dahil mas open siya sa iba’t ibang relihiyon ng mga taong nakakasalamuha niya.
“I’m not super super sarado, charismatic, religious Katoliko. Katoliko ako. It’s because I want to open up my mind doon sa ibang relihiyon para lang maintindihan ko kung bakit hindi niya gagawin ’yung ginagawa ko.”
“’Yun ’yung mahirap, eh. Kapag masyado kang sarado, nakasarado ka, eh. ’Yun ’yung pinaka-idea doon. Pero ganu’n talaga, hindi natin mababasag ’yun,” esplika ni Jerald.
Dagdag pa ng aktor, “Dahil siguro mas open ako sa ganoong idea, so mas welcome ako gumawa ng ganitong klaseng pelikula. Kung magkapalit kami ni Pepe ng role dito, ganu’n din. Gagawin ko pa rin ’yong role ni Pepe.”
Inalala naman ni Pepe kung paano siya pinalaki ng mga aktibistang magulang at kung paano nahubog ang kanyang faith.
“Lumaki kami na mas leaning towards spiritual kesa religious. Yung mother ko po noong teenager ako, meron po kaming family prayer regularly.
“There was a time, dahil peace worker siya, she works with different religions, we read both the Bible and the Quran and we see the similarities and we honor the similarities.
“Kasi we strive for unity as a peace worker kaya, pagdating sa religion, we also strive for that,” aniya pa.
Nagkaisa naman ang dalawang komedyante na huwag munang husgahan ang “Sampung Utos Kay Josh” hangga’t hindi pa nila ito napapanood.
Ka-join din sa movie sina Albie Casiño, Irma Adlawan, Bobot Mortiz, GB Labrador, James Caraan, Donna Cariaga, Ashley Rivera, at Debbie Garcia.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.