The KoolPals sa pagbibitaw ng jokes: ‘Nakakatakot pero kailangang labanan!’
SA gitna ng tumitinding pagkasensitibo ng publiko sa iba’t-ibang isyu, ibinahagi ng The KoolPals ang kanilang pananaw kung paano nila hinaharap ang hamon ng pagiging maingat sa paggawa ng mga biro.
Kamakailan lang, nagkaroon ng official media launching ang grupo para sa sariling bar at doon sila naitanong ng entertainment media kung limitado ba ang pagbibitaw nila ng jokes.
Ayon kay GB Labrador, hindi maiiwasang may ma-offend sa mga biro ngayon, ngunit para sa kanya, mahalaga ang intensyon ng komedyante.
“Nakakatakot siya kasi hindi mo na alam ngayon kung saan na-o-offend ‘yung tao eh,” bungad niyang sabi.
Baka Bet Mo: The KoolPals dream come true ang bagong tambayan, podcast studio
“So kahit ano ‘yung isulat mo, may chance na may ma-o-offend, pero nilalabanan mo lang siya sa paniniwala mo na gusto mo lang naman magpatawa. Hindi mo naman gustong manakit.
“‘Yun ‘yung hindi maintindihan ng tao. ‘Yung totoong comedian, nagsulat siya ng joke, hindi siya nagsulat ng something offensive. Gusto lang talaga niyang magpatawa,” paliwanag ni GB.
Gayunpaman, inamin niyang ang takot ay natural na bahagi ng kanilang trabaho, lalo na kapag hindi tumatawa ang audience.
“Pero kapag sunod-sunod na hindi natawa ang audience, hindi na comedian ‘yun. Kasi pag hindi natawa ang audience, ang challenge mo is paano ka babawi…so ang nagli-limit samin ay ‘yung takot, pero kailangan naming labanan because naniniwala na nakakatawa eh,” esplika ng The KoolPals member.
Giit niya, “Hindi namin malalaman kung nakakatawa ‘yun kung hindi namin siya bibitawan sa stage.”
Para naman kay James Caraan, ang open mic ay mahalagang bahagi ng proseso ng pagpapatawa at paglikha ng mga biro dahil dito nila nakikita agad kung ang jokes ay epektibo o hindi.
“Hindi naman namin nililimitahan kaya ang kagandahan din sa art namin is merong open mic. Doon talaga ite-testing,” sambit niya.
Lahad pa ni James, “Kasi kung doon pa lang nag-cringe na ‘yung audience o na-offend na sila, bakit mo pa itutuloy? Siyempre testing ground ‘yun eh. So kung hindi mo nakuha ‘yung response, rewrite na hanggang sa makuha mo ‘yung confidence doon sa isang joke.”
Kasabay ng pagpasok ng 2025, nagkaroon ng sariling entertainment at podcast hub ang group comedian.
Binuksan nila ang “The KoolPals Bar,” isang one-stop entertainment hub para sa mga mahilig sa comedy at live podcasts, na matatagpuan sa Century Park Hotel Manila.
Para sa comedian group, katuparan ng kanilang matagal nang pangarap ang pagbubukas ng bar na ito.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.